Planado umano ang ginawang paglalantad ni Klarisse de Guzman ng kanyang tunay na sekswalidad sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab edition noong Abril. Matatandaang isa ang singer sa Kapamilya housemates na talagang hinangaan ng mga manoood.
“Planado in a way. Bago ako pumasok ng bahay, alam ko pong gagawin ko siya. I was really sure, ready po ako. Hinihintay ko na lang ‘yung tamang timing para sabihin sa kanilang lahat,” pagtatapat sa amin ni Klarisse sa Fast Talk with Boy Abunda.
Nagkaroon ng lakas ng loob ang singer na ipagtapat sa publiko ang tunay na nararamdaman nang maging PBB house guest si Michelle Dee. Lumantad din bilang bisexual sa madla ang Miss Universe Philippines 2023 mahigit dalawang taon na ang nakalilipas. Mahigit apat na taon nang karelasyon ni Klarisse ang kapwa-babaeng si Christrina Rey.
“No’ng nakita ko po si Michelle, na-feel ko po na this is it. Gusto ko na paglabas ko ng bahay, wala na ‘kong tinatago. Ang hirap po kasi na for the longest time, meron kang something na tinatago sa dibdib mo na, ‘Paano kung malaman nila?’ ‘yung takot ko. And now masasabi kong I’m really happy and so proud na nagawa ko po ‘yon. And now wala na akong tinatago,” paliwanag niya.
Para kay Klarisse ay malaki ang naitulong ng PBB sa kanyang karera. Pakiramdam ng singer ay mas marami nang nakakakilala sa kanya ngayon kumpara noon. “May mga times po before na feeling napag-iiwanan na ako. ‘Yung mga kasabayan ko ang bongga ng mga career, ako napag-iiwanan na, steady lang. Inisip ko na lang po no’n na okay lang, basta may work, basta may trabaho ako. Longevity, as long as nandidiyan ako. Ang itinuro po sa akin no’ng mga panahon na ‘yon is mas sipagan pa, mas galingan pa. That’s why sobrang thankful po ako sa PBB, Tito Boy, hindi ko po in-expect na now mas nadagdagan na ‘yung nakakakilala. Hindi na ako singer, Tito Boy, komedyante na ako and kusinera. So may kanya-kanyang timing lang po talaga ‘yon,” nakangiting pagdedetalye ng singer.
Kamakailan lamang nang ma-evict mula sa PBB ang duo nina Klarisse at Shuvee Etrata na nakilala bilang ShuKla. Para sa singer ay ang duo nina Brent Manalo at Mika Salamanca na mas kilala sa tawag na BreKa ang nararapat na tanghaling Big Winner sa nalalapit na PBB Big Night. “Para sa akin, ang pinapag-pray ko na makapasok na next duo is BreKa. Para sa akin sila po ‘yung talagang naging example ng collab. Grabe po sila, hindi lang sa tasks makikita ‘yung collaboration kundi kung paano nila tinutulungan ang isa’t isa sa personal lives, kapag may problema ‘yung isa’t isa, ‘yon po,” pagbabahagi ni Klarisse. — Reports from JCC
