Knowledge channel, wagi ng dalawang parangal sa Golden Dove Awards


Kinilala ang mga programang MathDali Grade 1 at Wow Bukidnon ng Knowledge Channel Foundation, Inc. (KCFI) sa 28th KBP Golden Dove Awards ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Itinanghal na Best Children’s Program ang MathDali Grade 1 habang pinangalanang Best Culture at Arts Program naman ang Wow Bukidnon.

Nagpasalamat si KCFI President at Executive Director Rina Lopez sa natanggap na pagkilala at muling iginiit ang layunin ng foundation na palakasin ang epektibo at makabuluhang mga programang ginagawa nila para sa kabataang Pilipino.

Aniya, “Receiving the Golden Dove awards for both ‘MathDali’ and ‘Wow! Bukidnon’ affirms the importance of creating content that makes learning fun, meaningful, and rooted in Filipino culture.”

Hatid ng MathDali Grade 1 ni Kapamilya host Robi Domingo ang mas pinasayang pag-aaral ng Math ng mga chikiting.

Katuwang ang BDO Foundation at Huawei Philippines, naglabas ang Knowledge Channel ng karagdagang 10 episodes na layuning tulungan ang mga mag-aaral sa Grade 1 na mas maintindihan ang mga aralin at konsepto sa Math.

Samantala, tinatalakay ang mayamang kultura at kalikasan ng Bukidnon ng Wow Bukidnon na bahagi ng Wow regional series ng Knowledge Channel. Pinangu­ngunahan ito ni KCFI vice president at program host na si Edric Calma at ginawa sa pakikipagtulungan sa Fo­rest Foundation Philippines.

Bukod sa dalawang parangal, pasok din ang iba pang programa ng Knowledge Channel gaya ng  Ready Set Read bilang Best Children’s Show Fina­list, Ecoplay Game On: Larong Pinoy bilang Best TV Sports Program Finalist, at Puno ng Buhay bilang Best TV Science and Technology Program Finalist.