November 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Walang ibang pinaplano ang defending champion National University kundi ang tapusin ang University of Sto. Tomas sa Game 2 ng kanilang 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup best-of-three championship series sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
Magpapaluan ang Lady Bulldogs at Golden Tigresses ngayong alas-3:30 ng hapon sa event na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel-Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
Nasilo ng NU ang pahirapang 15-25, 25-23, 25-17, 13-25, 15-12 panalo sa Game 1 kontra sa UST upang mamuro sa asam na ‘four-peat’ sa torneong katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Hindi naging madali ang pagsungkit ng panalo ng NU dahil naghabol sila ng dalawang puntos, 10-12, sa fifth set mabuti na lamang at naisalba sila ni rookie Sam Cantada.
Pinaalalahanan ni Lady Bulldogs head coach Regine Diego ang kanyang mga bataan na hindi pa tapos ang laban at hindi dapat mag-relax.
“UST is doing very well. They’ve been making a lot of points, sobrang ganda ng jelling nila. The fact that we won this game (Game 1,) we’re very happy and mas nakakakalma ngayon na at least naka-one kami,” saad ni Diego.
Dagdag pa ni Diego na dapat silang mag-focus sa laro.