Magnolia reresbak sa Blackwater | Pilipino Star Ngayon


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

November 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Lintik lang ang walang ganti para sa Magnolia kontra sa Blackwater upang mapanatili ang tsansa nito sa twice-to-beat incentives ng PBA Season 50 Philippine Cup ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.

Paborito ang Hotshots (4-2) sa alas-5:15 ng hapon na maabot ang misyon kontra sa kulelat na Bos­sing (1-5) habang pareho din ang misyon ng Converge (4-2) kontra sa Barangay Ginebra (2-3) sa main game ng double-header sa alas-7:30 ng gabi.

Tabla sa ngayon ang Converge at Magnolia sa ikatlong puwesto matapos sumemplang sa nakaraang laban at bahagyang maiwan sa karera ng Top 4 na siyang hahawak ng twice-to-beat bonus sa quarterfinals.

Nasa harap nila ang NLEX, Rain or Shine at reigning champion San Miguel na buhol-buhol sa segunda puwesto hawak ang 5-2 kartada habang lider sa tuktok ang Talk ‘N Text na may 5-1 marka.

Hangarin ng mga bataan ni coach LA Tenorio na makasali ulit dito matapos ang krusyal at dikit na 94-92 talo kontra sa Beermen.

Upang makumpleto ang paghihiganti kontra sa Bossing na sadsad naman sa limang sunod na kabiguan ay sasandal si Tenorio kina Zavier Lucero, Jerom Lastimosa, Javi Gomez de Liaño, Chris Koon, Ian Sangalang, Paul Lee at Mark Barroca.

Haharang sa kanilang daan ang gigil din na mga tropa ni coach Jeff Cariaso para makabalik sa winning column at makaiskor na ulit ng panalo matapos ang 107-87 debut win nito kontra sa Terrafirma.

Samantala, ipapa-auction ni 9-time PBA MVP June Mar Fajardo ang kanyang unang MVP trophy para sa mga nasalanta ng bagyong Tino at Uwan lalo na sa kanyang mga kababayan sa Cebu.