October 7, 2025 | 12:00am
Sa totoo lang, kahit paulit-ulit ang sinasabi ng lahat sa industriya na mahina ang kita ng mga pelikulang Tagalog ‘pag ipinalalabas sa mga sinehan, pero hindi nawawalan ng pelikulang Tagalog na ipinalalabas.
Like kagabi ay nagkaroon ng premiere night ng pelikulang The Mariana’s Web starring ang award-winning actor-director na si Ruben Soriquez.
Isa itong kakaibang sci-fi/horror thriller na idinirehe ng Italian director na si Marco Calvise ( Milonga, Non Temere, La Pioggia Che Non Cade).
Ginagampanan ni Ruben ang papel ni Fosco, isang magsasaka na nakatira sa isang rural mansion na ang simpleng pamumuhay ay nabulabog nang makilala niya ang isang misteryosang babaeng si Mariana online.
Hanggang naging kumplikado ang buhay niya dahil naging obsesyon niya si Mariana.
Dream come true for Ruben ang ginampanang papel sa pelikula.
“I’ve always been a sucker for horror thriller films. I enjoy creating movies that push the boundaries of imagination and challenge our perception of reality,” ani Ruben.
“Besides, it’s a role that I’ve never done before,” dagdag niya pa.
Pero bukod sa pagbibida rito, aminado siyang malaking challenge rin ang maging co-producer.
“It’s a very difficult film to produce because it’s heavy on visual effects. We also featured amazing Italian landscapes. We also shot in different scenic spots in the Philippines,” pagbibigay niya ng impormasyon.
At may mas malalim na impormasyon ito para sa mga pagbabago ng panahon.
“Artificial intelligence is changing our world as virtual reality permeates our lives. We are losing touch with what really matters… real and meaningful human relationships. The film is about the danger of our modern technology, the peril of spending too much time in the virtual space that poses a threat to weak and lonely people,” pahayag niya pa.
Starring din sa pelikula sina Alexa Ocampo, Sahara Bernales, Asia Galeotti, Luca Biagini, at Andrea Dugoni.
At hindi lang ito sa bansa nakatakdang mapanood.
Ayon kay Ruben, ipalalabas din ito sa abroad particular na sa Italy and India.
Mapapanood ito sa Pilipinas beginning October 15.
For the record, si Ruben ay nanalong Best Actor sa World Premieres Film Festival noong 2015 para sa pelikulang Of Sinners and Saints.
Nakatanggap din siya Best actor award sa 2015 World Film Awards sa Indonesia, International Independent Film Awards at Honolulu Film Awards sa United States noong 2016, Indian World Film Festival sa India, Los Angeles Independent Film Festival Awards para sa nabanggit na pelikula.
Habang noong 2019 ay nagwagi ang kanyang dark comedy feature na The Spider’s Web ng Best Feature Film at Best Ensemble Acting Awards sa Olympus Film Festival sa US at Best Director Award sa International Independent Film Awards.
Tinanghal din si Ruben na isa ring singer at composer bilang Best Director sa Asia Pacific International Filmmaker Festival and Awards noong 2020 para pa rin sa The Spider’s Web at Global India International Film Festival sa India noong 2022 para naman sa Of Sinners and Saints.
