October 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Bubuksan ng Mapua University ang kanilang title defense sa pagsagupa sa Lyceum of the Philippines University sa pagdribol ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Magtutuos ang Cardinals at Pirates ngayong alas-2:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng Season 100 runner-up St. Benilde Blazers at San Beda Red Lions sa alas-5 ng hapon.
Papagitna sa opening ceremony sa alas-12 ng tanghali sina songstress Thea Astley, Hannah Precillas, Naya Ambi at Aicelle Santos.
Si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio ang magsisilbing guest speaker.
Babanderahan ni graduating Clint Escamis ang Mapua kasama sina JC Recto, Cyrus Cuenco, Yam Concepcion at mga baguhang sina Icee Callangan, Cyril Gonzales at Cyrus Nitura.
Itatapat ng Lyceum sina John Barba, Gyle Montaño at Renz Villegas na sasalo sa naiwang trabaho nina JM Bravo at Mclaude Guadaña.
Sa bagong tournament format ay makakasama ng Mapua sa Group A ang Lyceum, Perpetual Help, San Sebastian at Arellano University.
Ang Group B ay binubuo ng San Beda, St. Benilde, Letran, Jose Rizal at Emilio Aguinaldo College.