Maine tumalak, Bianca naalala ang nakulong na nagnakaw ng de lata!


SHOW-MY — Salve Asis — Pilipino Star Ngayon

September 9, 2025 | 12:00am

Mixed ang reaction sa post ni Maine Mendoza na pagtatanggol sa mister na si QC First District Cong. Arjo Atayde.

Isa ang aktor / pulitiko sa nabanggit na pangalan ng mag-asawang Discaya sa Senate hearing kahapon na diumano’y may natatanggap na komisyon sa mga flood control project sa distritong kanyang nasasakupan kasabay ng marami pang kongresista.

Pahayag ni Maine sa kanyang X account :  “Teka lang muna, those are baseless allegations. Please refrain from throwing hate and personal attacks at him, including me and our family until facts come out,” umpisa ng post niya.

“I am with my husband in this. Wala siyang ginagawang masama sa loob. He has been doing his best to serve the people of his district in Quezon City since the beginning. I sincerely hope and pray that the people who are TRULY responsible will be held accountable and that innocent individuals be spared from this mess. Napaka unfair,” kabuuan ng kanyang post. 

Nauna na itong itinanggi sa isang statement ni Cong. Arjo.

Kung may mga umayon kay Maine, ipinaalala naman ng ibang followers niya na magkaiba ang ‘throwing hate’ sa ‘asking for an accountability.’

Inungkat pa nila ang mga biyahe raw nilang mag-asawa at binuhay pa ang diumano’y wedding gift ng aktor / pulitiko na isang Hermès Mini Kelly handbag sa misis noong ikasal nga sila.

Ito ay kahit common knowledge na pareho na silang mayaman kahit noon pa man.

Anyway, ganun talaga sa social media, lahat ay may opinion.

Dahil dito ay trending kahapon ni Maine ganundin si Arjo.

Andaming idinawit na pangalan ng mag-asawang Discaya sa kanilang statement sa Senado at nakakalula ang mga halagang pinag-uusapan kaya umaasa si Bianca Gonzales na mapaparusahan ang mga sangkot sa anomalya at ikinumpara ang mga magnanakaw ng barya-barya na nakukulong.

Sa kanyang komento sa X, sinabi niyang : “Kung ang nagnakaw ng de latang walang isang daang piso para sa gutom na pamilya ay nahuli at nakulong, anong parusa ang naghihintay at maaasahan nating mga mamamayan sa mga opisyal na bilyones ang kinurakot sa kaban ng bayan?”

Meron ding mga nagnakaw ng lotion at ikinulong din.

May nagnakaw ng de lata sa supermarket, ikinulong kaagad.

Ang bilis nilang magkulong ng mga ibang maliliit na kasalanan dulot ng kahirapan na ipinupunto ni Bianca.

Sabog ang social media dahil dito at halos nakalimutan ng marami na magsimba at alalahananin ang Feast of the Nativity of the Blessed Virgin Mary, na mas pag-aalala sa birthday ni Mama Mary.

Umaasa ang lahat na may mananagot sa usaping ito.