September 9, 2025 | 12:00am
Sasabak sa mas maaksyong yugto ang mga bagong mukha na makikilala sa FPJ’s Batang Quiapo, at isa na rito si Maris Racal na aminadong kinabahan sa unang eksena nila ni Coco Martin.
“Actually noong day one ko, okay lang ako. Ngayon ako kinabahan kasi andiyan si Coco Martin. Meron na kaming extreme action scenes na shinoot dito. Buti na lang fresh pa ‘yung knowledge ko from my previous serye na ‘Incognito,’” ani Maris sa isang live interview sa mismong set ng serye.
Gaganap si Maris bilang isang bata at maprinsipyong pulis na makikilala ni Tanggol (Coco).
Bukod dito, dapat din abangan kung magiging kakampi ba o kalaban ni Tanggol ang mga bagong karakter nina Baron Geisler at Aljur Abrenica.
“Ito ‘yung pagpasok ng mga bagong cast. Magsasama-sama at maglalaban-laban. Siguradong mag-eenjoy at maliligayahan ang ating mga manonood,” pagbabahagi ni Coco tungkol sa mga bagong mukha na mapapanood sa mga susunod na episode.
Kamakailan ay ginanap ang story conference ng FPJ’s Batang Quiapo para opisyal na ipakilala ang iba pang bagong karakter na gagampanan nina Roi Vinzon, Richard Quan, Perla Bautista, Via Antonio, Aleck Bovick, Criza Taa, Jeri Montano, Tita Jegs, at Ate Mrena.
Sa pagbubukas ng panibagong yugto ng serye, ano kaya ang magiging landas ni Tanggol pagkatapos ng madugong laban ng pamilya Montenegro at Guerrero para sa eleksyon? Tatalikuran ba ni Tanggol ang kanyang prinsipyo o babalik siya sa mga maling gawain?
Samantala, sa pagpasok ni Maris sa Batang Quiapo, pinatay naman ang character ni Kim Domingo bilang si Madonna, na napatay sa isang sagupaan sa pagtatangkang pigilan ang isang ilegal na transaksyon..
“Very happy ako na napunta ako sa role na ‘to, ni Madonna,” sabi ni Kim sa isang interview kung saan muling nabuhay ang career niya.
