Mas maraming bata, makikinabang sa Upskilling Program


SHOW-MY — Salve V. Asis — Pilipino Star Ngayon

September 4, 2025 | 12:00am

Makikinabang ang mga batang mag-aaral sa bayan ng Baras, Rizal sa mas makabuluhan at mas nakakaengganyong early childhood education sa pamamagitan ng kauna-unahang training program sa Pilipinas na nakatuon sa pagpapaunlad ng kakayahan ng child development teachers at workers (CDWs).

Hatid ng Rotary Global Grant katuwang ang Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI), inilunsad noong Hulyo 7, 2025 ang inisyatibong Kayang Kaya Para sa Bata: Certificate Program for the Upskilling of Child Development Workers, isang anim-na-buwang professional development program na idinisenyo upang tugunan ang mga hamon sa early childhood care and education.

Layunin nitong bigyan ng sapat na kaalaman, kasanayan, at sertipikasyon ang CDWs upang makapaghatid ng mas holistic na pagkatuto para sa mga bata.

Hatid din ng upskilling program na ito ang bagong TV sets at iba pang learning resources tulad ng Knowledge Channel Portable Media Library na naglalaman ng daan-daang video lessons at modules para mas moderno, makulay, at masayang pagtuturo.

Personal na bumisita sa Baras, Rizal si Rotary Club of Cheo­nan Dongho president Lee Seung Bae mula South Korea upang personal na makasama ang mga guro at CDW sa programa, kasama si KCFI president at executive director Rina Lopez.

Ang programa ay pinondohan ng Rotary Global Grant #2457741 sa pamamagitan ng RCMPD, Rotary District 3830, Rotary Club of Cheonan Dongho, at Rotary District 3620.

Ang implementing partner organizations ng training ay ang KCFI, ECCD Council, UP Department of Family Life and Child Development, at Municipality of Baras.

Bilang kauna-unahang programa para sa mga CDW sa bansa, layunin din ng proyekto na suportahan ang Early Childhood Care and Development System Act (RA 12199) para mas mapabuti ang kalidad ng edukas­yon ng mga chikiting sa bansa.