September 8, 2025 | 12:00am
Ginigiba na pala ang malaking bahay ni Amalia Fuentes sa isang subdivision sa Quezon City.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, naibenta na ang nasabing bahay ng namayapang movie queen.
Wala kaming ideya kung ilan ang bahay niya sa naturang subdivision pero dalawa na raw ang naibenta at may natira pa raw na isa.
Nanghihinayang ang ilang kapitbahay ni Amalia dahil maganda talaga ito, malaki at matibay.
Pero may ibang plano raw ang nakabili ng bahay na ‘yun.
Nakikita raw nilang hirap na hirap daw sila sa paggiba ng bahay dahil buhos daw ‘yun, at matibay talaga.
Nakakapanghinayang lang dahil bahay ‘yun ng itinuturing na movie queen of Philippine Cinema, hindi man lang nai-preserve.
Ang tanong namin, sino kaya ang nagbenta nung bahay at kanino mapupunta ang pinagbentahan.
Bilang mga marites at kinalkal pati ang pagbebenta, narinig lang namin sa ilang sources na napunta raw pala ang mga bahay ni Amalia sa tatlong apo niya, mga anak nina Albert at Liezel Martinez.
Ang pagkakaalam namin, si Alfonso lang ang naiwan dito dahil nasa ibang bansa na ang dalawa niyang kapatid.
Si Alfonso talaga ang apong laging sumasama kay Amalia nung nabubuhay pa ito.
Pero pantay naman daw na pinaghatian ng mga apo ni Amalia.
Kaya ito lagi ang sinasabi sa amin ng ilang kaibigan, habang buhay ka ay mas mabuting gastusin na at i-enjoy na ang pinagkakitaan mo.
Kung kaya n’yo pang mag-travel at magbakasyon sa ibang bansa, gawin n’yo na, dahil baka dumating ang panahong nakaratay ka na lang, buhay ka pa ay baka pinagtatalunan pa ng mga naiwang pamilya ang ipapamana n’yo sa kanila.
Dulce, handang bumalik sa bundok
Isa si Dulce sa nanood sa Beyond 50 concert ni Nonoy Zuñiga na ginanap sa Newport Performing Arts Theater noong nakaraang Biyernes.
Mabuti at pagkatapos ng show ay nakatsikahan pa namin si Dulce na excited sa repeat ng concert niyang Waging-Wagi na gaganapin sa Globe Auditorium ng Maybank Performing Arts Theater sa BGC, sa darating na Sept. 27.
Iimbitahin kaya ni Dulce ang anak niyang si David Ezra na nakaintrigahan pa nito nung nakaraan niyang concert?
Nung unang concert niya ay kasama niya ang dalawa niyang anak na sina Jem at Abby. Marami ang nag-comment na bakit hindi kasama si David. Bakit daw nito dinedma ang concert ng kanyang ina.
“Kailangan bang i-invite? ‘Di ba? Kailangan ba talaga iyon?” patanong na sagot sa amin ng Asia’s Timeless Diva.
“Kung iisipin niya talaga kung ano ako sa buhay niya. Kailangan ba? ‘Di ba? Ano ba talaga dapat?
“I mean, para sa akin, tinanggap ko na lang. Kung ano lang, kung hanggang saan, okay na lang din.
“Basta hindi mawawala ‘yung pagmamahal at panalangin.
“Kasi, you have to always pray for your children no matter what they say against you, no matter what they think about you,” sabi pa ni Dulce.
Aminado naman si Dulce na may gap talaga silang mag-ina, pero siyempre gusto niyang nandiyan ang lahat na mga anak niya.
“Well, kasi nga, nagkaroon kasi talaga ng gap. I mean, aminin natin, may gap.”
Mahaba ang emote ni David Ezra sa kanyang social media account pagkatapos nung concert, na hindi naman pala alam ‘yun ni Dulce.
Pero mananatili siyang nanay sa kanyang mga anak, at natutuwa raw siya at proud sa mga na-achieve ni David.
Sobrang natuwa pa siya nang mapasama pa sa mga nominado ng best supporting actor si David mula sa pelikulang Ang Himala at pinanood din daw ni Dulce ang pelikulang ‘yun.
Pati ang nalalapit na musical play ni David na Jeproks: Mga Awitin ni Mike Hanopol ay manonood din daw siya.
Tanggap ni Dulce na darating ang araw na mag-isa na lang siya at iiwan na rin naman siya ng mga anak niya.
“I’m already prepared for that. I told them, if you have something na meron na kayong iniisip, basta ito lang ang naituro ko, ito ang naibigay ko sa inyo, alagaan ninyo ang sarili ninyo.
“You know kung ano ang itinuro ko. Unahin ang Panginoon bago ang anything else. ‘Di ba?
“Ngayon, ‘pag napili na nila iyong buhay nila kung saan sila pupunta, you know, ok na akong mag-isa.
“Puwede akong bumalik sa bundok. Sanay ako doon. Puwede akong magtanim uli ng kamote,” seryoso niyang pahayag.
