Nalalapit na ang pagwawakas ng Mga Batang Riles na pinagbibidahan nina Miguel Tanfelix, Raheel Bhyria, Kokoy de Santos, Bruce Roeland, at Anton Vinzon. Ngayon pa lamang ay magkahalong emosyon na ang nararamdaman ni Miguel dahil sa pagtatapos ng serye. “Sobrang minahal ko talaga ‘yung character ni Kidlat eh. ‘Yung mga challenges na kinakaharap at kinaharap niya sa buhay, talagang masakit sa puso eh. Talagang gusto mong damahin talaga bawat eksena,” paglalahad ni Miguel sa 24 Oras.
Ayon sa binata ay talagang nagustuhan niya ang paggawa ng mga maaaksyong eksena sa serye. Para kay Miguel ay malaki ang naitulong sa kanya ng programa bilang isang aktor. “Nag-enjoy ako nang sobra dito sa Mga Batang Riles. At the same time, feeling ko nasa surface level pa lang akong genre na action kaya gusto ko pa palalimin,” paliwanag ng Kapuso actor.
Sylvia, pagkain ang kahinaan
Marami ang nakapansin sa pagpayat ni Sylvia Sanchez nang dumalo sa 78th Cannes Film Festival sa France kamakailan. Ayon sa beteranang aktres ay talagang sinikap niyang magbawas ng timbang para naturang international event. “Two months akong nagseryoso. Ayan maluwag na (ang pantalon). Gusto kong pumayat. Mahirap mag-diet lalo na kasi ang dami kong ganap at abroad kung saan-saan. ‘Yung mga pagkain, ang hirap mag-control. Parang kinakawayan ako ng mga pagkain lalo na no’ng pumunta kami sa Rome. No’ng nasa Cannes ako, mas payat payat ako no’n. Nag-gain ako ng five pounds kasi kain ako nang kain. Sabi ko pupunta ako ng Cannes at sa iba pa. So gusto ko naman mag-gown nang maganda at maayos tingnan, happy ako,” nakangiting kwento ni Sylvia.
Sa edad na limampu’t apat na gulang ay aminado ang aktres na nakararamdam ng takot magpaopera upang mas mapabilis ang pagpayat. “135 lbs. ang target pero tumatanda na ako. Ayaw ko ng surgery, takot ako riyan, huwag sobra, doon tayo sa tama. Tama lang na nakasuot akong gown sa Cannes,” dagdag pa niya.
Napahanga umano si Sylvia sa ginawang pagpapapayat ni Sharon Cuneta. Ayon sa beteranang aktres ay mayroong mga pagkakataong kailangan niya talagang kumain lalo na kapag mayroong mga ginagawa. “Nakakabilib si Megastar sa pagpayat. Hindi ko kakayanin ‘yon. Mahina kasi ang disiplina ko sa pagkain. Weakness ko ang pagkain. Hirap na ako nito pero kakayanin pa. Tuluy-tuloy lang at slowly,” giit ng aktres. (Reports from JCC)
