September 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Puwede nang maglaro si Quentin Millora-Brown para sa Gilas Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers.
Sinabi ni Gilas Pilipinas coach Tim Cone na nakikipag-usap na sila sa kampo ng 6-foot-10 na si Millora-Brown para mapag-aralan nito ang kanilang sistema.
Partikular sa mga dapat aralin ng dating sentro ng UAAP Season 87 champion University of the Philippines ay ang pinapatakbong ‘triangle offense’ ni Cone sa Nationals.
Kung wala nang magiging problema ay maisusuot na ni QMB ang uniporme ng Gilas sa November window ng Asian Qualifiers.
Inaasahang makakasama ni Millora-Brown sa frontline ng Nationals sina 7’2 center Kai Sotto at 6’8 power forward AJ Edu.
Noong Agosto ay inilista ng FIBA si Millora-Brown bilang isang local player ng Gilas Pilipinas at hindi isang naturalized player matapos umapela ang legal team nito.