September 7, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng lakas si Mohammad Behrouz Madi Mojdeh matapos sumisid ng dalawang gintong medalya sa pamamagitan ng record-breaking style sa pagsisimula ng 2025 Asian Open School Invitational (AOSI) Short Course Age Group Swimming Championship sa Assumption University Aquatic Center sa Bangkok, Thailand.
Magandang binuksan ni Mojdeh ang kampanya ng Swim League Philippines-Behrouz Elite Swimming Team (SLP-BEST) Patriots nang wasakin nito ang rekord sa boys’ 14-year 200m Individual Medley (IM).
Naitarak ni Mojdeh ang impresibong dalawang minuto at 14.63 segundo para angkinin ang ginto at burahin ang dating rekord na 2:28.08 na naitala ni Woraphakphong Rachatatevin ng Thailand noong 2024 edisyon ng torneo.
Matapos ang ilang sandali, muling bumanat si Mojdeh nang pagharian nito ang 200m breaststroke event sa bilis na 2:28.51 upang tabunan ang 2:30.00 na lumang marka ni Anatoily Rudenko ng Russia noon ding nakaraang taon.
“Hindi ko ini-expect na mabe-break ko yung records. It was a good start for me and also for my team. Nag-focus lang ako sa swim ko and sinunod ko lang yung advise sa akin ng mga coaches ko,” ani Mojdeh.
Magandang training ito para kay Mojdeh na naghahanda ring sumabak sa NCAA juniors swimming tournament sa Oktubre kung saan bahagi ito ng La Salle-Greenhills swimming team.
“This meet is a good test for me as I prepare for my first NCAA competition in October,” ani Mojdeh.
Hindi pa tapos ang kampanya ni Mojdeh na sasabak pa sa anim na events — sa 50m backstroke, 100m backstroke, 100m IM, 100m freestyle, 100m butterfly at 200m freestyle.
“Hopefully, masustain ko yung power for my next events. I’ll just have a good rest to save energy for my next events. This is a good experience for me and my teammates since maraming magagaling na swimmers din from the Asian region ang nagco-compete here,” dagdag ni Mojdeh.
Nagparamdam din ng lakas ang nakababata nitong kapatid na si Mikhael Jasper Mikee Mojdeh na kumana ng pilak na medalya sa boys’ 10-year 200m IM.
Nagrehistro si Mikee ng 2:54.90 — gahibla lamang mula sa gold medalist na si Anand Badamsed ng Mongolia na nagtala ng dikit na 2:54.06.
Nagdagdag naman si Tanjie Elise Waskiewicz ng isang pilak at isang tanso sa girls’ 16-year division kung saan pumangalawa ito sa 200m breaststroke (3:05.10) at ikatlo naman sa 50m freestyle (31.47).
Nag-ambag pa ng tanso si Aliyya Faine Mojdeh sa girls’ 8-year 50m freestyle kick sa bilis na 1:00.67.
