MTRCB at QCPTA, may kampanya sa responsableng panonood ng kabataang QCitizens


MANILA, Philippines — Bumisita at nagbigay kurtesiya ang grupo ng Quezon City Parents-Teachers Association (QCPTA) sa tanggapan ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio nitong Lunes, Abril 29, para talakayin ang posibleng kolaborasyon para sa responsableng panonood.

Sa kanilang dayalog, nagpahayag ng interes ang QCPTA sa pagsasagawa ng mga seryeng Responsableng Panonood seminars, ang pangunahing programa ng MTRCB na dinisenyo para tulungan ang mga magulang na magabayan ang mga bata sa paggamit ng media at maintindihan ang kahalagahan ng angkop na content.

Napag-usapan din ang posibilidad ng pagpapa­labas ng mga klasikong pelikula sa mga estudyante ng Lungsod Quezon. Planong isagawa ang mga ito sa iba’t ibang distrito ng Lungsod Quezon, sa pakikipagtulungan ng mga lokal na paaralan.

Binigyang-diin ni Sotto-Antonio ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kaalaman ng mga magulang at nakatatanda sa responsableng paggabay sa mga kabataan lalo na’t malawak na ang paggamit ng media sa ating panahon.

Nagpasalamat naman ang QCPTA sa MTRCB dahil sa mga programa nito na posibleng makapagpatibay sa relasyon ng bawat pamil­yang Pilipino at maiangat ang kamalayan ng mga magulang, guro at estudyante pagdating sa mga klasikong pelikula.