Nagsimula si Nikko Natividad sa show business nang manalo sa Gandang Lalake segment ng It’s Showtime noong 2014.
Napabilang din sa Hashtags na boy group ng naturang noontime show ang aktor.
Maraming napagdaanang trabaho si Nikko upang kumita noong kanyang kabataan. “No’ng bata, naglilinis ng jeep sa Caloocan, sa Bagong Silang. Marami akong napagdaanang work. Naging waiter, wedding coordinator, naging assistant sa salon, which is sabi ko, ang liit ng kita. Plantsa, blower, muntik na akong turuan maggupit talaga. kaso nga nag-abroad (na ako). Hindi ko namang gugustuhing matuto, ang habol ko lang trabaho, kita. Pero dahil do’n kailangan mong matuto,” pagbabahagi sa amin ni Nikko sa Fast Talk with Boy Abunda.
Mayroon umanong nagkagustong bading sa binata pa lamang noon kaya napasabak bilang isang salon assistant. “Waiter ako no’n, may nag-ano (nag-alok) sa akin na nagtatrabaho sa salon. Aaminin ko, crush niya ako no’ng time na ‘yon pero wala kaming relasyon, Tito Boy. Pakiramdam ko kasi palagi siyang kumakain do’n sa pizza na fast food. Tapos tini-tip-an niya ako, do’n ako nagtatrabaho, mabait siya sa akin. Tapos inalok niya ako na pumasok sa salon, tinry ko po talaga. Tapos sinama-sama niya na ako sa event, wedding, debut. Nagbo-blower ng buhok, ‘yon po. May offer ako no’n, no’ng waiter ako. Gusto akong maging jowa. Love ko ang LGBT community pero wala akong naging ano (karelasyon) talaga. Lagi nga akong tinatanong, ‘Siguro dati may jowa ka?’ Siguro kung ginawa ko ‘yon, di na ako nag-artista. Kumbaga, hindi na ako dumaan sa ibang trabaho,” pagdedetalye ng aktor.
Pinangarap ni Nikko na makapagtrabaho sa ibang bansa upang magkaroon ng magandang buhay. Kinailangan pa raw na mandaya ng aktor para lamang kumita sa Dubai bilang isang florist. “Nag-abroad po ako ako, sa UAE, florist. Dinaya ko po talaga. Sabi, ‘kailangan daw sa flower shop marunong mag-ayos.’ Sinabi ko marunong ako kahit hindi. Kasi ang mindset ko dati, basta nakapag-abroad, gaganda ang buhay. Di ba laging ganyan no’n, sige basta makapunta lang do’n umoo ako, sa UAE, sa Dubai,” pagtatapat niya.
Kamakailan ay binuksan na sa publiko ang bagong negosyo ng aktor. Kasosyo ni Nikko ang matalik na kaibigan na si Zeus Colins sa Sunset Serenity Beach Resort na matatagpuan sa Iba, Zambales.
Sa ngayon ay umaasa ang aktor na magtatagal pa sa industriya. Ayon kay Nikko ay wala na siyang alam na ibang trabahong gagawin kung hindi na magiging aktibo bilang isang artista.
“Magtagal ako sa showbiz kasi iniisip ko wala na akong fallback na ibang gagawin. Kasi hindi ako nakatapos (ng kolehiyo). Iniisip ko ano ‘yung pwedeng makapag-sustain sa aking trabaho na ganitong lifestyle. Siyempre pangarap ko huwag nang bumalik sa dating buhay. Hindi man ikaw umangat na, ma-maintain na lang ‘yung lifestyle mo. Mapag-aral mo sa private school ‘yung anak mo,” makahulugang pagtatapos ng aktor. — Reports from JCC
