October 6, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kumapit ang College of Saint Benilde sa tikas ni Zam Nolasco upang itaob ang University of Perpetual Help System Dalta, 28-26, 26-24, 25-18 sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na nilaro sa Paco Arena, Manila kahapon.
Tumikada si Nolasco ng 12 points mula sa seven attacks, tatlong blocks at dalawang service aces para sa Lady Blazers na hinawakan ang liderato sa Pool D tangan ang 2-0 karta.
Dahil sa panalo nakasisiguro ang Taft-based squad ng slot sa susunod na round sa event na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
Napalaban ang Lady Blazers sa unang dalawang sets kung saan ay muntik pa sila masilat, mabuti na lamang at naging matatag ang pagiging lider ni Nolasco at nahablot ang mahirap na panalo sa tournament na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Sa third frame ay naging madali na sa St. Benilde na makuha ang panalo matapos ilista ang anim na puntos na bentahe, 20-14 para ipalasap sa Altas ang pangalawang talo sa tatlong salang sa ligang mapapanood live and on demand via PusoP.com at Solar Sports.
“Alam namin ang mga capabilities namin sa game siguro dun na lang namin ibinuhos (sa third set) para matapos na yung game,” ani Nolasco.