NXLED sososyo sa liderato | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Pilit na sososyo sa lide­rato sa Pool A ang Nxled sa pagsagupa sa Galeries Tower sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour.

Lalabanan ng Chameleons ang Highrisers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang banatan ng Akari Chargers at Capital1 Solar Spikers sa alas-6:30 ng gabi sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.

Solo ng PLDT ang lide­rato sa Pool A sa kanilang 3-0 record sa itaas ng N­xled (2-0), Farm Fresh (2-1), Petro Gazz (1-3), Choco Mucho (1-3) at Ga­leries Tower (0-2).

Bumabandera naman ang Cignal HD sa Pool B sa kanilang 3-0 marka kasunod ang Chery Tiggo (2-0), Creamline (2-1), ZUS Coffee (1-1), Akari (1-3) at Capital1 (0-4).

Winalis ng Chameleons ang kanilang dalawang laro sa Batangas City sa kanilang mga panalo sa Gazz Angels at Flying Titans.

“The team has been through a lot, a lot of c­hanges, through a lot of difficulties together. And you know, day by day, slowly, game after game, we’re regaining our confidence,” ani outside hitter Chiara Permentilla.

Wala namang naipa­nalo ang Highrisers sa nasabing Batangas leg sa kanilang mga kabiguan sa Flying Titans at Gazz Angels.

Bukod kay Permentilla ay sasandal din ang N­xled kina EJ Laure-Cariño, Krich Macaslang, Jovelyn Fernandez at rookie standout Lyann de Guzman kontra kina Jewel Encarnacion, Ysa Jimenez, France Ronquillo at rookie Jean Asis ng Galeries Tower.

Sa ikalawang laro, magpipilit makabangon ang Chargers mula sa 26-24, 19-25, 16-25, 25-23, 10-15 kabiguan sa Crossovers, habang babawi ang Solar Spikers mula sa 25-20, 24-26, 25-23, 18-25, 11-15 kamalasan sa Thunderbelles sa kanilang mga huling laro.

Sina Ivy Lacsina, Eli Soyud, Ced Domingo, Grethcel Soltones, Camille Victoria at Kamille Cal ang babandera sa Akari katapat sina Trisha Genesis, Shola Alvarez, Jorelle Singh, Sydney Niegos at Iris Tolenada ng Capital1.

Hindi pa rin maglalaro ang bagong hugot ng Chargers na si setter Mars Alba at si No. 1 overall pick Bella Belen para sa Solar Spikers na parehong miyembro ng Alas.