INDIANAPOLIS — Ang Indiana Pacers ang sasagupa sa Oklahoma City Thunder sa NBA Finals.
Ito ay matapos bumira si Pascal Siakam ng 31 points at iniskor ni Tyrese Haliburton ang 11 sa kanyang 21 markers sa fourth quarter sa 125-108 pagpapatalsik ng Pacers sa New York Knicks sa Game 6 ng kanilang Eastern Conference title series.
Isinara ng Indiana sa 4-2 ang kanilang duwelo ng New York patungo sa una nilang NBA Finals simula noong 2000.
Ibinigay kay Siakam ang Larry Bird Trophy bilang Eastern Conference finals MVP habang tumapos si Haliburton na may 13 assists at nag-ambag naman ng 18 points si Obi Toppin.
Si Bird lamang ang isa pang coach na nagdala sa Pacers sa NBA Finals.
“Pascal and Tyrese put us on their backs and made sure we would not lose,” ani Indiana coach Rick Carlisle. “But our work has just begun.”
Nagbagsak si OG Anunoby ng 24 points para sa Knicks na nakahugot kay Karl-Anthony Towns ng 22 points at 14 rebounds habang may 19 markers si Jalen Brunson.
Hindi pa nakakapaglaro ang Knicks sa NBA Finals sapul noong 1999.
Isang 9-0 atake ang nagbigay sa Pacers ng 78-63 abante sa third quarter tampok ang tatlong sunod na 3-pointers tampok ang dalawa ni Thomas Bryant at isa kay Andrew Nembhard.
Nakalapit ang New York sa 71-78 bago muling naghulog ang Indiana ng isa na namang 9-0 bomba patungo sa kanilang paglayo sa fourth period.
