MANILA, Philippines — Bukas na bukas ang pintuan ni eight-division world champion Manny Pacquiao sa isang rematch laban kay undefeated American fighter Floyd Mayweather, Jr.
Katatapos lang ng laban ni Pacquiao kay reigning World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Nauwi sa majority draw ang laban kung saan nagbigay ng 115-113 score si Max DeLuca para kay Barrios, habang pareho sina Tim Cheatham at Steve Weisfeld na naglatag ng 114-114 scorecards.
Matapos ang bakbakan ay kaliwa’t kanan ang mga tanong sa susunod na laban ni Pacquiao.
At isa sa mga lumutang ang posibilidad na muli nitong makaharap si Mayweather sa isang blockbuster rematch.
Walang nakikitang problema si Pacquiao dahil desidido itong makasagupa si Mayweather.
Kailangan lang ng pinal na sagot mula sa kampo ni Mayweather para maikasa ang inaabangang rematch.
“If Mayweather comes out of retirement and signs the contract, we’ll fight,” pahayag ni Pacquiao.
Handang-handa si Pacquiao sa laban lalo pa’t nasa aktibong estado na naman ito matapos ang apat na taong pamamahinga.
“Let’s fight again if he wants. I’m active now,” dagdag pa ni Pacquiao.
Ilang araw bago ang Pacquiao-Barrios fight ay naglabasan ang ulat na may nilulutong rematch sa pagitan ng PInoy champion at ni Mayweather.
Isa sa mga nabanggit na kung mananalo si Pacquiao at Barrios ay malaki ang tsansang matuloy ang rematch.
Ngunit majority draw ang kinalabasan ng laban.
“I thought I won the fight. I mean, it was a close fight. My opponent was very tough. But it was a wonderful fight,” wika ni Pacquiao.
