MANILA, Philippines — Opisyal nang magiging bahagi ng International Boxing Hall of Fame si People’s Champion Manny Pacquiao matapos ang simpleng seremonya kahapon na ginanap sa Turning Stone Casino sa Verona, New York.
Naging malalim ang mga sinabi ni Pacquiao kung saan nagbalik-tanaw ito sa kanyang pinagdaanan salpul noong nagsisimula pa lamang ito.
“And now, when I look back, eight-division world champion, world titles in four different decades, oldest welterweight world champion in history, those are not just opinions. They are facts,” ani Pacquiao.
Ibinahagi ni Pacquiao kung paano nakatulong ang boksing upang mapaangat nito ang kanilang pamilya sa kahirapan.
Maraming pagtitiis na ginawa si Pacquiao kabilang na ang pagod, puyat at sakit ng katawan upang maabot lamang ang pangarap nito.
“Every fight, every victory was a step further from poverty. It was not just for me but for my family, for the Filipino people,” ani Pacquiao.
Nagretiro si Pacquiao noong 2021 matapos itong matalo kay Yordenis Ugas ng Cuba sa kanilang welterweight fight.
Hawak nito ang 62-8-2 rekord tampok ang 39 knockouts.
Matapos magretiro, sumentro ang atensiyon ni Pacquiao sa kanyang buhay pulitika kung saan tumakbo ito sa presidential election noong 2022 ngunit natalo ito kay Pangulong Bongbong Marcos.
Muling tumakbo si Pacquiao bilang senador sa nakalipas na midterm election ngunit muli itong minalas nang hindi ito makapasok sa Top 12.
Kaya naman nagpasya si Pacquiao na muling bumalik sa ring.
Nakatakda nitong harapin si reigning WBC welterweight champion Mario Barrios sa Hulyo 19 sa Las vegas, Nevada.
At naniniwala si Pacquiao na may ibubuga pa ito.
“This is our victory. This is our story and the best is yet to come,” ani Pacquiao.
Nagbigay din ito ng mensahe sa mga boxers na nais sundan ang kanyang yapak.
“And to the next generation of fighters: never let your situation limit your destiny. With God, nothing is impossible. Mabuhay ang Pilipinas,” ani Pacquiao.
