September 15, 2025 | 12:00am
Hindi ko nasimulan, pero napanood ko ang segment na Laro Laro Pick ng It’s Showtime nung nakaraang Sabado.
Nakakatuwa ang larong ito na sinalihan ng mga construction worker, barker sa jeepney, cashier, waiter at marami pa.
Dito nga madalas nag-e-emote si Vice Ganda ng mga nangyayari sa lipunan natin lalo na kapag naghihikahos sa buhay ang naglalaro. Tinutulungan pa ni Vice ang ilang kaawa-awang naglalaro.
May isang tatay na pinangakuan niyang sasagutin ang isang araw na bonding kasama ang pamilya.
Pero bago natapos ang larong ito, may mga kapalpakang nangyari, kagaya ng hindi gumana na powder spray ng isang bahagi ng laro.
Doon na kasi malalaman kung sino ang maglalaro sa jackpot, pero ‘yung isang powder spray na hawak ng mga naglalaro ay hindi gumana. Kaya hindi nila ito itinuloy. Nag-commercial break muna at iniba nila ang pagpili ng maglalaro. Kung sino na lang ang may pinakamahabang lightstick na mahuhugot sa mesa ay ‘yun ang mapipili.
Nakuha ito ng isang dishwasher na si Kath na may pinagdaraanan din dahil kasalukuyan daw naka-confine ang lola niya sa isang public hospital.
Umabot sa P50K ang alok kay Kath at pinili na niya ito. Hindi na siya nagbakasakaling sagutin ang jackpot round na puwedeng magpanalo sa kanya ng P600K.
Sinubukan pa rin ni Vice Ganda ang tanong kung kaya ba itong sagutin ni Kath. Pero mali pala ang tanong na, “Ano ang alias o pen name ng bayaning si Gregorio del Pilar na mula sa binalasang mga letra ng kanyang apelyido?”
Ang nakalagay na sagot doon ay “Plaridel” na hindi naman kay Gregorio del Pilar kundi kay Marcelo H. del Pilar.
Humingi ng paumanhin si Vice Ganda kay Kath. At ginawa na niyang P100K ang premyo para makatulong na rin sa kanila. “Buti na lang talaga hindi mo pinili ito dahil magkakagulo-gulo na naman tayo,” parang nahihiya nang pahayag ni Vice Ganda.
“I would like to apologize. Mali ‘yung tanong. Ang tamang tanong ay… Kasi binabasa ko lamang po, pero ang tamang… Ang tanong na nakalagay sa binasa ko ay: ‘Ano ang alias…’
“Para na akong hihimatayin… ‘o pen name ng bayaning si Gregorio del Pilar na mula sa binalasang mga letra ng kanyang apelyido?’
“Ang nais naming tanungin sana ay… kasi ang nakalagay na sagot dito ay Plaridel.
“Pero hindi natin masasabing tama ang Plaridel kung mali ang pangalang tinutukoy.
“Tama, hindi alias ni Gregorio del Pilar ang Plaridel. Tama? Dahil ang Plaridel ay alias ni Marcelo del Pilar. Humihingi po ako ng tawad sa inyong lahat. Mali.”
Buong mapagpakumbabang nag-sorry si Vice Ganda sa madlang pipol sa mga kapalpakang nangyari sa naturang segment.
Pinuri ang Unkabogable Star kung paano niya na-handle ito. Ikinumpara pa ng ilang netizens kay Willie Revillame na kung sa Wowowin daw ito nangyari, tiyak na on-air natalakan ang mga staff.
Parang inalat nga nung Sabado itong It’s Showtime dahil sa simula pa lang ay nahulog ang cameraman sa kasusunod sa hosts na kinakanta ang kanilang theme song.
Pati pala ang guesting ng bandang IV of Spades noong Miyerkules ay pinag-trending pa hanggang kahapon dahil na-bash si Kim Chiu sa maling pagbigkas nito na tinawag niyang “I, V of Spades.”
Nag-sorry naman si Kim at aminado siyang hindi niya kilala ang naturang banda.
Echo, mas nabuo ang pagka-Pilipino
Sa Oct. 15 na pala ang showing ng pelikulang Quezon ni Jericho Rosales ng TBA Studios.
Ito ang nabanggit ni Jericho sa book launch ni Ricky Lee na ginawa nila sa Manila International Book Fair sa SMX Convention Center noong Biyernes, Sept. 12.
Tulad ng sinabi ni Michael V., sabi ni Echo, ang ganitong pelikula ay talagang napapanahon hindi lang ngayon kundi sa mga susunod pang henerasyon.
“Ang pelikula naming Quezon, mula ngayon hanggang bukas, hanggang ano ay napapanahon siya. Dahil marami siyang mga tinatalakay, marami siyang tinuturo, marami siyang tinatanong.
“I think, everything happens for a reason. Ito ‘yung nataong napili naming screening.
“Nauna ‘yan bago pa nangyari ‘yung mga bagay. So, lahat itinakda,” pakli ni Jericho.
“Ako, mas naramdaman kong mas naging makabayan ako.
“Mas naging buo ‘yung pagka-Pilipino ko, dahil naintindihan ko ‘yung history natin,” tugon ng premyadong aktor.
