Paolo, matipid ang komento sa kasalang Lian at John!


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

September 27, 2025 | 12:00am

Hindi na gaanong nagbigay ng pahayag si Paolo Contis tungkol sa pagpapakasal nina Lian Paz at John Cabahug na ibinahagi nila sa social media noong Huwebes, Sept. 25.

Nakita na lang namin sa Instagram account ni John ang wedding photo nila ni Lian na kuha sa tanggapan ni Mayor Jonkie ng Mandaue City.

Nasa caption ni John ay “I love you forever, Lian (white heart emoji).”

Matagal na nilang hinihintay ang araw na ito dahil sa kalagayan nina Lian at Paolo Contis.

Hindi kasi na-grant kaagad ng korte ang annulment case na isinumite nila.

Finally ay naibigay na rin sa kanila ilang buwan na ang nakararaan.

Hindi na idinetalye sa akin ni Paolo kung sino na ang nag-file at kung gaano sila katagal naghintay bago ito ibinigay ng korte.

“I’m happy for them,” text lang ni Paolo sa akin nang hiningan ko siya ng reaksyon kaugnay sa pagpapakasal nina John at Lian.

Kamakailan lang ay naging okay sina Paolo at Lian nang mag-post ang Kapuso actor ng birthday message kay John.

Napagbigyan si Paolo na dalawin ang dalawang anak nila ni Lian, at nagkaayos na silang lahat.

As of this writing ay hinihintay ko lang ang sagot ni Lian sa ilang tanong ko tungkol sa pagpapakasal nila ni John Cabahug.

Nasa Facebook account lang nito na gamit na niya ang apelyido ni John.

Ipinost din niya ang litrato ng anak niyang si Xonia na nakasalampak sa sahig, pagkatapos daw nitong mag-host sa programa ng kanilang wedding reception.

May post din si Lian kasama ang dalawang sister-in-law niya na kumakain ng muffins na naka-wedding gown pa siya.

Congratulations kina John at Lian na natupad na rin ang matagal na nilang inaasam na pagpapakasal.

Samantala, isa pang ikinatuwa ni Paolo na kaagad nag-number one trending sa Netflix ang pelikula nilang ConMom ng Mavx Productions.

Nung Huwebes lang ito nagsimulang mag-streaming, nag-number one kaagad.

Ashdres, ginagastusan ng fans!

Nasa bahay lang ang halos lahat kahapon dahil sa bagyong Opong na sumalanta sa Metro Manila at ilang bahagi ng bansa.

Inaalam namin kung naapektuhan ba ang box-office performance ng pelikulang Minamahal: 100 Bulaklak Para Kay Luna nina Ashtine Olviga at Andres Muhlach.

Maganda kasi ang first day earnings nito noong Miyerkules, unang araw ng pagpapalabas nito.

Hindi lang namin nakuha ang eksaktong figures dahil walang checker ang Viva na nagbabantay sa mga sinehan.

Pero ayon sa ilang reliable source na napagtanungan namin noong Miyerkules, as of 2 p.m. daw nung araw na ‘yun ay mahigit P2 million na ang kinita nito.

Inaasahang tataas pa sa gabi dahil maraming tao sa mga sinehang napupuntahan ng ilang sources namin.

Malaking bagay rin ang mga block screening na ini-sponsor ng mga fan club nitong AshDres loveteam.

Kaya sabi ng nasa sinehan, ang tantiya nila ay puwedeng maka-P40 hanggang P50 million ito sa dalawang linggong showing.

Ganundin daw ang nangyari sa pelikulang 100 Awit Para Kay Stella na sa loob ng dalawang linggo ay naka-P50 million din ito.

Hindi na masama para sa isang drama movie na hindi naman ganun kalaki ang budget.

Puwedeng mangyari rin daw ito sa pelikula ng AshDres.

Nakakatuwa lang daw na talagang naglalabas ng pera ang fans nila.

Nagbebenta pala sila ng tickets sa sine tuwing may mall show ang AshDres at madalas ay naso-sold-out daw ito.

Kaya hintayin natin ang box-office result nito after a week. Kung maganda at puwede pang tumaas sa pangalawang linggo, malamang na magkakaroon ng part two ito na maaaring sa Amerika ang setting.

Malalaman ‘yan sa ending ng naturang pelikula.