Pasilip sa bakbakan nina Coco at Jake, nakakuha ng 4M views sa loob ng 24 oras


Naiintriga na ang netizens sa maaaring pangmalakasang salpukan nina Coco Martin at Jake Cuenca sa FPJ’s Batang Quiapo matapos huma­mig ng apat na milyong views sa loob ng 24 oras ang inilabas na special plug tampok ang kanilang mga karakter.

Isa na namang makapigil-hiningang komprontas­yon ang nagbabadya dahil mauuwi sa maaksyong engkuwentro ang iligal na transaksyon kung saan magkasosyo sa negosyo sina Tanggol (Coco) at Cong. Miguelito (Jake). Wala namang kamalay-malay si Miguelito na si Tanggol ang nagplano ng lahat para pagkaisahan siya para makuha ang milyun-milyong halaga ng pera.

Sa kabila ng namumuong tensyon sa pagitan nina Tanggol at Miguelito, mukhang mas magiging komplikado pa pala ang kanilang relasyon.

Nabunyag na kasi ang masalimuot na nakaraan ni Tindeng (Charo Santos), ang lola ni Tanggol, sa kamay ng pamilya ni Miguelito dahil ang lolo pala nito ang nang-abuso kay Tindeng noon kaya ito nabuntis kay Marites (Cherry Pie Picache).

Matapos ang pasabog na rebelasyon na ito, sunod-sunod naman ang mga post ng netizens ng kani-kanilang mga hula kung bakit maaaring magkamag-anak ang ilan sa mga karakter.

Magiging magkasangga kaya o magkalaban sina Tanggol at Miguelito?

Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa FPJ’s Batang Quiapo, na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live.