PBA 50th Golden Anniversary sisimulan ngayon


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

October 4, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Lalarga ngayon ang da­­lawang araw na seleb­rasyon ng PBA ng 50th Golden Anniversary tampok ang dalawang patikim na events sa Smart Araneta Co­liseum sa Quezon City at sa Meralco Theater sa Pa­sig City.

Titipunin ng PBA sa isang Fellowship Dinner sa Meralco Theater ang lahat ng mga players, coaches, officials, managers, team staff, PBA employees at media na naging bahagi ng PBA simula nang maitatag ito noong Abril 9, 1975.

Iyon ang nagbigay-bu­hay sa PBA bilang kauna-unahang professional bas­ketball league sa Asya ka­ya marapat lang na ki­la­lanin ang lahat ng na­ging bahagi nito sa limang dekada, ayon kay Com­mis­sioner Willie Marcial.

“Iniimbitahan namin ka­yong lahat sa PBA 50th year reunion dahil papara­ngalan natin lahat ng mga naging bahagi ng liga sa loob ng limang dekada,” ani Marcial.

Dito ay gagawaran din ng parangal ang PBA 50 Greatest Players, habang paiindakin at pakakantahin ang lahat ng mga OPM le­gends na sina Martin Nie­vera, Gary Valenciano, Bituin Escalante, Mitoy at ang The Draybers tampok ang greatest hits sa nakali­pas na limang dekada.

Bago iyon ay magkakaroon ng Grand Fans’ Day ang PBA sa Big Dome simula alas-2 ng hapon at tatagal ng apat na oras tampok ang performences ng mga players at ng PBA All-Star Band.

Saktong patikim ito para sa PBA bago ang mis­­mong pagdiriwang ki­nabukasan sa Smart Ara­neta Coliseum para sa ope­ning ceremony ng PBA Season 50 na magsisimula sa 2025 Philippine Cup.

Bibida sa opening ang parada ng 12 teams kasama ang kanilang mga mu­ses, concert, fireworks at ang bigating ‘Manila Clasico’ sa pagitan ng Barangay Ginebra at Magnolia sa natatanging laro sa alas-7:30 ng gabi.