PBA Grand Slam pangarap ni Fajardo


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

October 7, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sa kabila ng walang ka­paris na koleksyon ng kampeontao at indibidwal na parangal, walang pla­nong magretiro si June Mar Fajardo ng San Miguel Beer hangga’t hindi nakukumpleto ang natatanging kulang sa kanyang karera ang Grand Slam.

“More championships pa. Lahat naman ng pla­yers ‘yun ang goal. Maraming championships pang darating bago ako mag-retiro,” sabi ni Fajardo ma­tapos sikwatin ang kanyang ika-siyam na MVP sa katatapos lang na Leo Awards ng Season 49.

“Alam naman natin na mahirap talaga mag-Grand Slam. Hindi naman instant na kapag sinabi natin na Grand Slam at makaka-Grand Slam.”

Ito na ang ikatlong sunod na MVP ni Fajardo ma­tapos din ang anim na sunod bago ang pandem­ya upang patatagin ang kanyang position bilang Greatest of All Time sahog din ang 11 kampeonato sa 14-taong karera.

Wagi rin ang Cebuano pride ng 12 BPC awards, apat na Finals MVP, 11 Mythical Team at siyam na All-Star selections at walong All-Defensive Team awards at Defensive Player of the Year para sa pambihirang koleksyon na hindi mapaparisan ng sinumang manlalaro sa 50-taong ka­saysayan ng PBA.

Ang kulang na lang ay ang Grand Slam na sa ka­tunayan ay tatlong beses nang namuro si Fajardo at ang Beermen bago mapurnada nang mapurnada.

Sa pangunguna ng 35-anyos na si Fajardo, lu­mapit ang Beermen sa Grand Slam noong 2015 nang maghari sa Philippine Cup at Governors’ Cup ba­go kapusin sa Commissioner’s Cup para madis­karil ang Grand Slam.

Namuro uli sila noong 2017 at 2019 tampok ang titulo sa Philippine at Commissioner’s Cup pero taob sa Governors’ Cup.

Ngayong Season 50 at sa mga susunod na sea­son habang kaya pa niya, asinta ni Fajardo na ma­kumpleto na ito at hindi kung anumang dagdag na parangal.

“Kailangan talaga ‘yung preparation, sacrifice at kailangan na rin ng suwer­te, Isa sa pinaka-goal ko ang makakuha ng Grand Slam,” ani Fajardo.