October 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tatagal ang PBA Season 50 ng hanggang 14 buwan bilang isa sa pinakamahabang seasons nito sa kasaysayan matapos paigtingin ang suporta sa Gilas Pilipinas para sa sunud-sunod na torneo sa 2026.
“Hindi lang for his year, hindi lang for next year, every year sinusuportahan ng PBA ang Gilas,” sabi ni Commissioner Willie Marcial bago ang opening ng makasaysayang PBA Season 50.
“All-out support ang PBA sa Gilas, tingnan ninyo, wasak-wasak na ang aming schedule at mga players, pero hindi bibitaw ang PBA sa Gilas.”
Kabuuang 40 araw ang magiging break ng PBA sa tatlong conferences ng PBA Season 50 na Philippine Cup, Commissioner’s Cup at Governots’ Cup para bigyang-daan ang preparasyon ni head coach Tim Cone at ng Gilas sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers at sa 2026 Asian Games.
Tatagal ng lagpas isang taon tampok ang limang windows at dalawang rounds ang Asian Qualifiers, habang nakatakda ang Asian Games sa Nagoya, Japan sa Setyembre hanggang Oktubre 2026.
Reigning champion sa Asian Games ang Gilas matapos mawakasan ang 61-taong gold medal drought noong 2023 edition sa China, habang tatlong sunod na edisyon na itong nakapasok sa World Cup kabilang na ang makasaysayang hosting sa parehong taon.
Unang magkakaroon ng break ang Gilas sa Nobyembre 17 hanggang Disyembre 4 para sa pagsisimula ng Asian Qualifiers kontra sa Guam, Australia at New Zealand.
Mabibinyagan ang Gilas laban sa Guam sa homecourt nito sa Nobyembre 28 bago ang hosting ng Gilas sa Disyembre 1.
Ilan sa mga PBA players na nasa Gilas ay sina Scottie Thompson, Japeth Aguilar at resident import Justin Brownlee ng Ginebra na nagsisilbi bilang naturalized player din ng Gilas.
Kasama rin sina Calvin Oftana ng TNT, Chris Newsome ng Meralco, June Mar Fajardo at CJ Perez ng SMB at mga Asian imports na sina Dwight Ramos, Kai Sotto, Carl Tamayo at Kevin Quiambao.