Phoenix sapol sa Dyip | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines —  Binuksan ng Terrafirma ang Season 49 PBA Philippine Cup sa pamamagitan ng panalo.

Binangga ng Dyip ang Phoenix Fuel Masters, 95-87, para simulan ang ka­nilang kampanya kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Kumamada si Louie Sangalang ng 21 points, ha­bang may tig-17 mar­kers sina Terrence Romeo at Stanley Pringle para sa 1-0 record ng Terrafirma.

Nagsalpak si Romeo ng apat na three-point shots.

“Committed sila lahat sa defense namin,” ani coach Raymond Tiong­co. “May mga lapses pero nakapag-adjust kami kaagad.”

Binanderahan ni Kai Ballungay ang Phoenix sa kanyang game-high 30 points.

Nagdagdag si Raul So­yud ng 11 markers.

Matapos isara ng Dyip ang first half bitbit ang 49-43 abante galing sa triple ni Pringle bago ang halftime buzzer ay nakadikit ang Fuel Masters sa 48-51 sa third period.

Isang 11-2 bomba ang inihulog ng Terrafirma tampok ang tig-isang tres nina Romeo at Paolo Hernandez para muling makalayo sa 62-50 sa 8:21 minuto nito.

Lalo pang nabaon ang Phoenix sa isang 23-point deficit sa fourth quarter.

Sa likod nina Ballungay at Ken Tuffin ay naputol ito ng Fuel Masters sa 83-92 sa huling 1:23 minuto.

Ang dalawang free throws ni Aljohn Melecio sa natitirang 10.6 segundo ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Dyip.

Samantala, magtutuos ang Magnolia at Blackwater ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang tagayan ng San Miguel at NLEX sa alas-7:30 ng gabi.