Piazza nagpasalamat sa Alas Pilipinas


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 25, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Malaki ang pasasalamat ni Iran coach Roberto Piazza sa Alas Pilipinas sa kanilang pagpasok sa quarterfinal round ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.

Tinakasan ng mga Iranians ang mga Pinoy spikers, 21-25, 25-21, 17-25, 25-23, 22-20, para sa Round of 16 berth noong Setyembre 19 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

“It was a crucial game against Serbia, but the crucial one was against the Philippines,” wika ni Piazza. “That was maybe when we trained perfect before, because we won an ama­zing game.”

Umeskapo ang World No. 16 Iran sa No. 12 Serbia, 23-25, 25-19, 24-26, 25-22, 15-9, sa kanilang Round of 16 match noong Martes.

Ang nasabing panalo ang nagpatibay sa determinasyon ng Iran na pagandahin ang kanilang fifth place finish noong 2014 World Championship.

Naniniwala si Piazza na mananalo ang Alas Pilipinas sa mga sasalihang international tournaments sa ilalim ni Italian champion mentor Angiolino Frigoni.

Isa na rito ang darating na 33rd Southeast Asian Games na nakatakda sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.

Nakatakdang labanan ng Iran ang World No. 18 Czechia para sa semifinals spot ng world meet ngayong alas-3:30 ng hapon sa MOA Arena.

“Czechia is a strong team, they have experience, they are big, they are tall, they have good blockers,” sabi ni Piazza.

Ang mananalo ang sasagupa sa mananaig sa quarterfinals duel ng World No. 4 USA at World No. 14 Bulgaria sa semis.