Wow, kabilang pala ang Pinoy Actor na si Tanjo Villoso na isa ring commercial model dito sa Pilipinas sa cast ng Netflix Korean action series na Mercy for None.
Noong 2023 pala kumontak ang casting agent, Donggun from Korea kay Shine Ricafort ng RR Entertainment at nagpahanap ng talent na based sa kanilang casting requirement.
Nagpasa ang RR Entertainment ng profile ni Tanjo at dito siya napansin ng Korean director kaya’t nagbigay na ito ng kopya ng script para sa kanyang role.
Agad naman itong naaprubahan ngunit hindi dito nagtapos ang challenges ni Tanjo at ng RR Entertainment maging ang Korean casting agency na nagtulung-tulong dahil hindi biro ang pag-aayos ng working visa niya na inabot ng ilang buwan at nagbigay rin ng kaba sa production kung kaya ba niyang dumating sa eksaktong shooting day dahil kung hindi ay kailangan siyang palitan.
Hindi siya nabigyan ng multiple visa kaya’t napakaraming supporting documents ang ginawa para lang mabigyan siya muli ng visa sa dalawa pa niyang pagbiyahe.
Maging ang pagtawid sa Immigration ay naging masalimuot diumano.
Tatlong beses bumiyahe si Tanjo patungong Korea sa project na ito kung saan siya unang nakaranas ng matinding winter.
Bongga dahil bihira ang ganitong opportunity dahil karamihan ng Pinoy talents ay kinukuha sa mga OFW na nakabase na sa Korea at dumadaan sa matinding audition pero si Tanjo ay nabigyan ng pagkakataong mai-scout mula sa Pilipinas.
Ginagampanan nya rito ang role ni Okur, isang Gang leader sa Seoul na kinatatakutan ng lahat. Ha-hunting-in sya ni So Ji-sub dahil may kinalaman siya sa pagkamatay ng kapatid nito. Malaking eksena ang pagsasagupa nilang dalawa.
Nang matapos ang kanyang huling eksena, pinalakpakan siya ng buong Production team at sinorpresa pang binigyan sya ng isang bouquet of flowers.
Kinamayan siya ng direktor ng serye na si Choi Sung-eun at pinuri ang kanyang pag-akting.
Si Tanjo ay lumabas na rin sa American series na Almost Paradise bukod pa sa mga guesting roles sa local movies gaya ng Uninvited starring Vilma Santos, Sellblock directed by Pedring Lopez at mga TV show tulad ng Incognito (ABS-CBN), Suntok sa Buwan (TV5), Darna (ABS-CBN) at John en Ellen sa TV5 kung saan napansin ang kanyang galing ng kanyang manager na si Ms. Ruby Cuevas.
Maraming naging pagsubok pero nagbunga ng isang maipagmamalaking oportunidad na minsan lang dumating.
Well sana ay marami pang project ang makuha ni Tanjo at magtuluy-tuloy ang career niya sa South Korea.