Muling magbabalik ang Pinoy Media Congress ng ABS-CBN, katuwang ang Philippine Association of Communication Educators (PACE), na gaganapin sa University of Makati ngayong Abril 24-25 kung saan paparangalan din ng Knowledge Channel ang mga nagwagi sa kanilang Class Project intercollegiate mini-documentary contest.
Sa ika-20 taon ng ABS-CBN Pinoy Media Congress, maghahahatid ng aral at impormasyon ang taunang Kapamilya event sa higit kumulang na 1,000 estudyante at mga guro ng komunikasyon na inaasahang dadalo.
Nilagdaan nina ABS-CBN vice president for Corporate Communications Kane Errol Choa, PACE president Mark Lester Chico, at University of Makati president Dr. Elyxzur Ramos ang memorandum of agreement para sa Pinoy Media Congress ngayong taon.
Samantala, nagpirmahan din ang Knowledge Channel Foundation, Inc. (KCFI) at PACE para sa Class Project, isang intercollegiate mini-documentary competition na iikot sa Sustainable Development Goals ng United Nations. Paparangalan ang tatlong top placers at limang finalists sa Pinoy Media Congress.
Sinimulan noong 2017, ang Class Project ay isang intercollegiate mini-documentary contest na may layuning talakayin ang mga isyung panlipunan at bigyan ng plataporma ang mga estudyanteng producers at content creators upang maibahagi ang kanilang mga kwento.
Inilunsad ng ABS-CBN noong 2005, ang Pinoy Media Congress ay nakatanggap ng mga parangal mula sa Public Relations Society of the Philippines’ Anvil Awards at International Association of Business Communicators Philippines’ Philippine Quill Awards.
