Pilipino Star Ngayon
August 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Mula sa 12 koponan ay dalawa ang natira para paglabanan ang korona ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour.
Ngayong alas-6:30 ng gabi malalaman kung sino sa PLDT at Chery Tiggo ang magsusuot ng gold medal sa kanilang one-game championship showdown sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa unang laro sa alas-4 ng hapon pag-aagawan ng 10-time champions Creamline at Cignal HD ang bronze medal.
“Since after preliminaries, talagang one game at a time na lang ang focus namin,” ani High Speed Hitters coach Rald Ricafort. “Kailangan pa rin mag-improve at itrabaho nang husto.”
Sina Fil-Canadian Savi Davison, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Mika Reyes, Kim Fajardo at Jovy Prado ang muling aasahan ng PLDT para makamit ang kauna-unahan nilang PVL title.
Ang kontribusyon naman ng bawat isa ang gustong makita ni mentor Norman Miguel sa kanyang mga Crossovers sa pangunguna nina Cess Robles, Ara Galang, Imee Hernandez, Jasmine Nabor, Aby Maraño at rookies Ren Peñafiel, Jyne Soreno at Erika Deloria.
Si Nabor, kasama sina Shaya Adorador at injured Mylene Paat, ang mga natitirang miyembro ng champion team ng Chery Tiggo noong 2021 Open Conference.
“Sa team namin, kailangan talaga magko-contribute lahat. Based sa experience namin, kapag natatalo kami, isa o dalawa lang ang nagdadala,” ani Miguel. “Pero ngayon, bawat isa nakakapagbigay ng points.”
Para maitakda ang kanilang title showdown ay tinalo ng High Speed Hitters ang Cool Smashers, 27-25, 22-25, 19-25, 25-16, 15-10, habang sinagasaan ng Crossovers ang HD Spikers, 25-17, 16-25, 25-21, 25-23, sa semifinals.
