Sayang at hindi na uso ngayon ang mga political debate.
Kung noon ngang mga nakalipas na election ay ang debate ang isa sa mga inabangan ng mga boboto, this time ay walang ganun.
Naalala kong kuwento ni Alyansa Campaign Manager and Spokesperson Cong. Toby Tiangco na ipinauubaya nila sa kanilang senatorial candidates ang pagsali sa mga debate.
Diskarte na raw ‘yun ng mga kandidato kung sa paanong paraan tingin nila ay mas makikilala pa sila ng sambayanan.
Sa local level, isa sa handa sanang sumabak sa debate si Manila Mayoralty candidate Sam Verzosa.
Hinahamon niya si former Manila Manila Isko Moreno na nangunguna sa mga survey pero humahabol nga si SV, pero ‘yun nga sadly nalaos ang mga political debate.
Kahit ang mga network, hindi na pinag-interesan ang debate ng mga pulitiko.
“Kung magkakaroon ho man if ever ng debate, may mago-organize n mga grupo, ay handa po tayong lumaban at sumagot,” sabi ni Cong. Sam na isang Partylist Representative bago lumaban sa pagkamayor sa Manila sa ginanap na Pandesal Forum kahapon sa Kamuning Bakery ni Wilson Lee Flores.
“Sabi ko nga po, kailangang magkaroon ng debate, kailangang magkaroon ng talakayan para malaman ng tao (kung) ano ba talaga ‘yung plano ng bawat isa. Sobrang importante ‘yan,” dagdag niya.
Pahaging pa niya, “kasi, alam mo, maraming magagaling magsalita, matatamis ang dila, sasabihin kung ano lang ‘yung gusto n’yong marinig pero nun’g nabigyan sila ng pagkakataon, hindi naman nagawa. ”
Maalalang nanalo si President Bongbong Marcos na hindi sumali sa kahit anong debate noong nakaraang election.
Samantala, ayaw munang pag-usapan ng negosyante / pulitiko ang kasal nila ni Rhian Ramos na diumano’y magaganap sa Quiapo church.
Ayaw daw niyang gamitin ‘yun para pag-usapan ang kanyang kandidatura.
