PSC bumilib sa SLP-BEST tankers


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bumisita ang delegas­yon ng Swim League Phi­lippines-Behrouz Elite Swimming Team (SLP-BEST) Patriots sa Phi­lippine Sports Commission (PSC) matapos ang matagumpay na kampanya nito sa Asian Open Schools Invitational  (AOSI) na ginanap sa Bangkok, Thailand.

Ipinakita ng SLP-BEST Patriots ang overall championship trophy na napanalunan nito kay PSC commissioner Fritz Gaston sa isang courtesy call na ginanap sa PSC office sa Vito Cruz, Manila.

Masaya si Gaston sa tagumpay ng mga bagitong tankers na mga talentong posibleng maging bahagi ng national team sa mga susunod na henerasyon.

Kaya naman saludo ito sa matikas na ipinamalas ng mga batang swimmers dahil isa ang grassroots development program sa mga prayoridad ng PSC sa ilalim ng pamumuno ni PSC chairman Patrick Gregorio.

“We are proud of what our swimmers have accomplished. This success is a testament to the hard work of our athletes, coaches, parents, and the entire grassroots swimming community. We are equally thankful to the PSC for their conti­nuous support,” ani SLP chairman at BEST team manager Joan Mojdeh.

Itinanghal na overall champion ang SLP Patriots sa naturang torneo matapos humakot ng kabuuang 4,879 puntos para pataubin ang Axolotis Swim Club ng Vietna, na may 4,009 puntos.

Malaki ang ambag ng BEST tankers sa naturang torneo sa pangunguna ng Mojdeh brothers na sina Behrouz Mohammad Madi at Mikhael Jasper na parehong nasungkit ang Most Outstanding Swimmer (MOS) awards sa kani-kanyang dibisyon.

Napasakamay ng pambato ng La Salle-Greenhills na si Madi ang MOS award sa boys’ 14-year division kung saan humakot ito ng walong ginto at isang pilak na medalya.

Kasama pa ang limang bagong tournament records sa 200m IM (2:14.63), 200m butterfly (2:14.07), 200m breaststroke (2:28.51), 200m freestyle (2:03.42) at100m butterfly (59.85).

Sa kabilang banda, naghari rin si Mikee sa boys’ 10-year kung saan nakaginto ito sa 50m backstroke, 100m butterfly at 100m backstroke habang may pilak ito sa 200m IM at 50m butterfly, at tanso sa 100m freestyle at 100m IM.

Bahagi rin ng SLP-BEST sina Tanji Elleise Waskiewicz na may isang ginto, apat na pilak at tatlong tanso sa girls’ 16-year,  Kaidyn Brie Waskiewicz na may isang ginto at apat na pilak sa girls’ 12-year, at Aliyya Faine Mojdeh na may isang pilak at isang tanso sa girls’ 8-year.