QMB bilang local player kumpirmado na—SBP


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Pormal nang kinumpirma ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang classification ni Quentin Millora-Brown bilang local player ng Gilas Pilipinas.

Ito ay matapos makatanggap ang SBP ng update mula sa FIBA kung saan opisyal nang kinilala ang dating University of the Philippines standout bilang local player sa halip na naturalized player.

Nauna nang nagpasya ang FIBA na naturalized player si Millora-Brown.

Subalit umapela ang kampo ni Millora-Brown sa world governing body upang ilatag ang mga dokumentong magpapatunay ng kanyang pagiging local player.

Kinatigan naman ng FIBA ang apela ni Millora-Brown. Kaya naman hindi maitago ng Pinoy fans ang saya dahil malaki ang maitutulong ni Millora-Brown sa Gilas.

“The Samahang Basketbol ng Pilipinas confirms that Quentin Millora-Brown is now classified as a local player under the FIBA map (Management and Admi­nistration Platform),” ayon sa statement ng SBP.

Mainit naman ang pagtanggap ni SBP president Al Panlilio kay Millora-Brown na inaasahang makapag­lalaro na sa susunod na laban ng Gilas.

“We are pleased with the update from FIBA because a player of his size and skill can make a positive impact for Gilas Pilipinas men,” wika ni Panlilio.

Sariwa pa ang Gilas sa quarterfinal exit sa FIBA Asia Cup na ginaganap sa Jeddah, Saudi Arabia.

Sunod na lalahukan ng Gilas Pilipinas ang FIBA World Cup Qualifiers na lalarga sa Nobyembre.

Naglaro si Millora-Brown para sa Macau Black Bears nang makalaban ito ng Gilas sa sendoff game noong Hulyo 30.