August 16, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Desidido si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na maisama si Quentin Millora-Brown sa kaniyang tropa para sa mga susunod na international tournaments na lalahukan nito partikular na sa FIBA World Cup Qualifiers.
Kaliwa’t kanan na ang ulat na nabigyan na ng FIBA ng go-signal si Millora-Brown para makapaglaro bilang local player ng Gilas Pilipinas.
Nauna nang na-identify ng FIBA si Millora-Brown bilang naturalized player.
Subalit base sa ulat, umapela ang grupo ni Millora-Brown sa FIBA na agad namang inaksiyunan ng world governing body ng basketball.
Kaya naman nagdiwang ang mga Pinoy fans dahil malaki ang maitutulong ni Millora-Brown lalo pa’t nasa rehabilitasyon pa si slotman Kai Sotto na galing sa ACL operation.
Hanga si Cone sa husay ni Millora-Brown.
Personal itong nakita ni Cone nang makaharap ng Gilas Pilipinas ang Macau Black Bears sa isang tuneup game bago umalis ang kanilang tropa patungong Jeddah.
Bahagi ng Macau Black Bears si Millora-Brown.
Tinulungan nito ang University of the Philippines na masungkit ang kampeonato sa nakalipas na UAAP season.
“He’s awesome. Man, I’d love to have him. He’s physical, he gets to the offensive boards real well. Great size,” ani Cone.
Wala pang pormal na sulat na natatanggap ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ukol sa desisyon ng FIBA.
Magandang balita ito ilang araw matapos masibak ang Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia.
Kung maaayos ang lahat ay maaari nang makalaro si Millora-Brown sa FIBA World Cup Qualifiers sa Nobyembre.
Matinding laban ang haharapin ng Gilas Pilipinas sa qualifiers dahil kagrupo nito ang Australia, New Zealand at Guam.
Maaari na rin itong sumalang sa 2025 Southeast Asian Games sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.
