Quezon, Rated PG! | Pilipino Star Ngayon


Pilipino Star Ngayon

October 16, 2025 | 12:00am

Binigyan ng PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pelikulang Quezon na pinagbibidahan ni Jericho Rosales bilang si Pangulong Manuel L. Quezon na nag-umpisa nang mapanood sa mga sinehan kahapon.

Sa PG, maaaring may mga tema o eksena na nangangailangan ng gabay ng magulang para sa mga manonood na may edad 13 at pababa.

Ang pelikula ay tungkol sa hangad ni Quezon ng kapangyarihan, habang ipinaglalaban ang kalayaan ng Pilipinas. Sa hangarin niyang bumuo ng isang bansang malaya, nag-iwan siya ng isang legasiya na nananatili hanggang sa kasalukuyan.

“Ang mga pelikulang tulad ng ‘Quezon’ ay sumasalamin sa mayamang kasaysayan ng ating bansa. Sa pamamagitan ng angkop na klasipikasyon, tinitiyak natin na ito ay ligtas na mapapanood ng mga manonood habang may paggabay ng mga magulang,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto.

Samantala, apat pang pelikula ang inaprubahan ng MTRCB para sa pampublikong pagpapalabas.

Ang Good Fortune na pinagbibidahan ni Keanu Reeves at ang Kiss of the Spider Woman, tampok si Jennifer Lopez, ay kapwa rated R-13 (Restricted-13), angkop para sa edad 13 at pataas.

Para sa mahilig sa katatakutan, parehong R-16 ang mga horror-thriller na Black Phone 2 at The Mariana’s Web angkop lamang sa mga edad 16 at pataas.

Hinikayat ni Sotto ang mga magulang at nakatatanda na gabayan ang mga bata habang nanonood.

“Sa wastong paggabay ng magulang, ang mga ganitong pelikula ay magsisilbing simula ng makahulugang pag-uusap at makatutulong sa pag­hubog ng responsableng pano­nood sa pamilya, lalo na sa mga batang Pilipino,” dagdag ni Sotto.

Sa pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng MTRCB, muling pinagtitibay ng Ahensiya ang pangako nitong protektahan ang mga manonood, suportahan ang industriya ng pelikula at telebisyon, at itaguyod ang Responsableng Panonood sa pamamagitan ng angkop na klasipikasyon.