September 9, 2025 | 12:00am
Ang bida ng Seducing Drake Palma ng Viva One na si Rabin Angeles ang latest guest ni Toni Gonzaga sa kanyang Toni Talks YouTube Channel. At kahit kaka-upload lang ng interview, andami na agad nitong views, patunay lang na may following na talaga ang Pampangueño actor.
Doon ay buong-buong binalikan ni Rabin ang naging showbiz journey niya—mula pangungulit kay Direk Jason Paul Laxamana (his manager na isa ring Pampangueño) na gawin siyang extra sa mga project nito hanggang sa saglit na paglaki umano ng kanyang ulo noong panahong nagka-second lead siya sa isang BL series (The Day I Loved You) at nagka-following din.
“Kahit ‘di malaki kinita ko, kahit wala akong pera, lumaki ulo,” pag-amin niya. “Kasi, sa aming lahat [na mga alaga ni Direk], ako palang nagka-second lead. tapos may fans pa na marami. Naging pasaway na ko…lumalabas ako, di ako nagpapa-alam [ke Direk)…”
Agad daw siyang pinatawan ng disciplinary action ng manager at pinabalik ng Pampanga. Matagal umano siyang natengga at nag-aaway na siya ng nanay (who is a single mom) niya dahil patuloy siyang umaasa na magiging artista siya.
Umabot daw sa point na nagbebenta siya ng gamit para makaluwas ng Manila at makapag-workshop sa pag-asang magkaka-project siya. Sinamahan pa raw niya iyon ng pamamanata na pagtutulak ng mga karo ng santo sa kanilang simbahan.
Mukhang nakita naman ni Direk na pursigido siya and that he learned his lesson. “Eye-opener po talaga yon,” aniya. “Kaya ngayon, lagi kong sinasabi, hindi ako magbabago. Aalagaan ko na ang binigay sa akin.”
Ang patok na Viva One digital series na Ang Mutya ng Section E (AMNSE) ang bumago ng buhay ni Rabin. Inakala raw niyang hindi siya naka-pasa ng audition hanggang sa sinabihan na siyang magpakulay ng buhok (red) at basahin ang buong Wattpad novel.
Dahil sa AMNSE, lumipad ang career ni Rabin. Dahil kina-inlaban ng fans ang pagganap niya bilang ang Fil-Jap na si Yuri Hanamichi, umingay ang kanyang pangalan. Nagdatingan na ang mga endorsement at ang agad na kasunod ay proyektong siya na ang bida—ang Seducing Drake Palma na kasalukuyan pa ring nag-i-stream.
Ani Rabin, hindi niya akalaing aabot siya sa estadong iimbitahan siya sa Toni Talks. At lahat daw ng ito ay dahil sa fans niyang ang tindi raw magmahal.
“Hindi na nga po ako bumibili ng gamit, e, puro bigay na nila,” pagmamalaki niya.
And speaking of Drake Palma, aba, ibinisto ni Rabin na sa tuos daw niya ay baka naka-bente minutos ang kissing scene nila ni Angela Muji na ipinalabas noong August 15.
Napunta doon ang usapan dahil tinukso siya ni Toni tungkol sa pangli-lips-to-lips niya kay Angela during their duet number sa nakaraang Vivakada Ultimate Fancon & Grand Concertnoon ding August 15.
Hanggang sa nagdalirot na si Toni tungkol sa streaming version ng kissing scene. At ani Rabin, tingin niya ay lagpas isang minuto ang kissing scene para sa mga nanonood pero in actuality, sa taping ay matagal daw at paulit-ulit ang “open mouth” kissing scene (na tila ikinabiglang muli ni Toni).
“Kasi po ang daming shots, me drone shot, me closeup…” aniya kaya daw paulit-ulit.
Bukod pa roon, ang mga unang takes daw ay pinapa-ulit din dahil hindi type ni Direk Cris Aquino ang atake niya.
Kaya nga raw sa simula ay kinausap na niya si Angela.
“Sabi ko, ‘Sorry…’” ani Rabin.
Tanong ni Toni: “Ba’t ka nag-sorry?”
“E, baka po kasi feeling niya, nababastos siya.”
In the end, nabigyang-hustisya naman daw nila ang eksena na paniguradong ikinatili ng mga sumusubaybay sa series.
