Ratsada ni Alex Eala sa Jingshan Open pinigil ni Sun


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Napurnada ang isa na namang finals appea­rance ni Alex Eala matapos tumirik sa 6-3, 4-6, 2-6 pagkatalo kontra kay Lulu Sun ng New Zealand, sa Final Four ng WTA125 Jingshan Open kahapon sa Jingshan International Tennis Tournament Center sa Hubei, China.

Pinaghatian nina Eala at Sun ang unang 2 sets subalit natambakan agad sa decider ang Filipina pride, 0-4, at hindi na na­kabalikwas tungo sa semifinal exit sa loob ng 2 oras at 13 minuto.

Namuro si Eala sa tiket sa finals matapos sikwatin ang 6-3 panalo sa 1st set sakay ng pambihirang 4-1 ratsada mula sa 2-2 tabla subalit hinayaan din ang 2-0 birada ni Sun sa 2nd set mula sa 4-4 tabla na siyang nagbigay-daan sa 3rd set.

Hindi na pinaporma ng 24-anyos na si Sun ang 20-anyos na si Eala kahit pa bahagya itong nakaiskor ng 2 laro upang makalapit at makaabante sa cham­pionship round.

Matatandaang umiskor na rin ng 7-6 (3), 7-5 panalo si Sun kontra kay Eala sa 2024 Wimbledon qualifiers sa England.

Subalit malaking silat ito para kay Sun sa China, na No. 3 seed lang at WTA No. 146, kontra sa pinalakas na si Eala na No. 1 seed sa 32-player tourney at No. 58 sa world rankings.

Taliwas din ito sa unang 3 panalo ni Eala na pare-parehong sweep kontra kina WTA No. 349 na si Jia-Jing Lu ng China,  6-4, 6-1, No. 258 Mei Yamaguchi ng Japan, 6-0, 6-3 at No. 322 Aliona Falei ng Belarus, 6-3, 7-5.

Bago sa China ay ka­ga­galing lang ni Eala sa kampeonato sa WTA125 Guadalaraja Open sa Me­xico upang maging kauna-unahang Filipina WTA champion sahog pa ang quarterfinal appearance sa WTA250 Sao Paulo Open sa Brazil.

Susubok sa titulo si Sun kontra kay WTA No. 234Ye-Xin Ma ng host country matapos din nitong sindakin ang No. 2 seed at WTA No. 131 na si Talia Gibson ng Australia, 6-4,5-7, 5-7.