Reavis binitiwan ng Magnolia | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Unti-unti nang binubuo ni bagong coach LA Tenorio ang gusto niyang komposisyon ng Magnolia na sasabak sa darating na PBA Season 50 sa Oktubre.

Pinakawalan ng Hotshots si veteran big man Rafi Reavis ilang araw matapos papirmahin ng mga bagong kontrata sina Peter Alfaro, Russel Escoto at Joseph Eriobu bukod sa pagkuha kay free agent guard Paolo Taha.

Sa unang ensayo pa lamang na ipinatawag ni Tenorio kamakailan ay nagpaalam na ang Magnolia management sa 48-anyos na si Reavis.

Sa 15 taon niyang pag­lalaro para sa Hotshots ay nagwagi ang tubong New York, USA ng pitong PBA championship na ang huli ay noong 2018 PBA Go­vernors’ Cup sa ilalim ng nasibak na si coach Chito Victolero.

Sumalang si Reavis sa 17 games sa Magnolia sa nakaraang PBA Philippine Cup tampok ang paghirang sa kanya bilang Player of the Game sa 88-83 pagdaig sa TNT Tropang 5G sa eliminations na nagbigay sa kanila ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals.

Bukod sa galawan ng mga players ay kinuha rin ng 41-anyos na si Tenorio sa kanyang coaching staff sa Hotshots sina Kirk Collier at Monch Gavieres.

Hangad ni Tenorio, nag­laro ng 13 taon para sa Barangay Ginebra tampok ang kanyang walong PBA titles bilang point guard, na maibalik ang Magnolia sa PBA Finals matapos mabigong makasampa sa semifinals ng mga nakaraang Governors’ Cup, Commissioner’s Cup at Philippine Cup ng Season 49.