Rocco, gustong ituloy ang pagiging wrestler


SHOWBIZ NEWS NOW NA! — Boy Abunda — Pilipino Star Ngayon

September 17, 2025 | 12:00am

Masayang-masaya si Rocco Nacino dahil natupad na ang pangarap niyang sumabak sa Filipino professional wrestling. Kamakailan ay nakasagupa ng Kapuso actor si Thiago ‘The Gym Bro’ Santiago sa ring.

Pinaghandaan daw nang mabuti ni Rocco ang kanilang naging laban ni Thiago.  “Dream come true na maka-experience ng ganito. Siyempre kailangan may training din dito. So sa match na ito, I made sure na makapag-prepare ako, makapag-training, matutong bumagsak nang tama. And of course, magkaroon ng trust sa mga partners dito,” pagbabahagi ni Rocco sa 24 Oras.

Malaki man ang nakalaban ay natalo pa rin ng aktor si Thiago. Para kay Rocco ay mayroong makahulugang mensahe ang kanilang naging sagupaan sa ring.

“Pinakita ko na kailangan nating mag-stand up sa mga bullies. ‘Wag nating hahayaan na tapak-tapakan nila ‘yung pride natin, ang dream natin, kaya pinakita ko ang redemption sa pag-stand up sa mga bullies,” giit niya.

Bukod sa pagiging aktor at modelo ay nakilala rin noon si Rocco bilang isang atleta sa mixed martial arts at jujitsu. Pabor kaya ang misis niyang si Melissa Gohing na ipagpatuloy ng aktor ang pagiging isang wrestler ngayon?

“Panay sabi niya, ‘last mo na ‘yan ah,’ pero base sa sigaw ng mga tao mukhang babalik pa ‘ko rito,” nakangiting pagtatapos ng Kapuso actor.

David, may resort na sa Siargao

Abala man sa kabi-kabilang trabaho ay sinisikap pa rin ni David Licauco na makapagbakasyon at magkaroon ng oras para sa sarili. Ayon kay David ay mahalaga para sa isang tao na nakapagpapahinga paminsan-minsan mula sa lahat nang pang-araw-araw na ginagawa. “Minsan kasi we always want more pero minsan nakakalimutan nating maging grateful kung ano nang meron tayo, ‘di ba? So ‘yon ang ginagawa ko ngayon trying to take a step back kasi ako ‘yung type ng person na, ‘Gusto ko pa, gusto ko pa, gusto ko pa,’” makahulugang pahayag ni David.

Mismong mga magulang umano ang nagpayo sa aktor na magpahinga mula sa kabi-kabilang pinagkakaabalahang trabaho. Kamakailan ay kasamang nagbakasyon ni David ang kaibigan at kapwa-Sparkle artist na si Jay Ortega sa Siargao.

“In Manila puro working, traffic, everything else, you know. But in Siargao, it’s different. It felt to me like I was close to humanity, to nature,” paliwanag ng aktor.

Isang bagong negosyo ang nakatakdang buksan ni David sa naturang isla sa susunod na taon. “Next year ang project ko is magkaroon ng villa doon, parang resort,” pagtatapat ng nakilalang Pambansang Ginoo. — Reports from JCC