Pilipino Star Ngayon
October 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Napurnada ang pag-entra nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons sa Round of 16 ng Volleyball World Beach Volley Pro Tour Challenge matapos ang 18-21, 24-22, 15-12 kabiguan kina Annique Niederhauser at Menia Bentele ng Switzerland sa Round-of-24 kahapon sa Nuvali Sands Court by Ayala Land sa Santa Rosa, Laguna.
Nakatabla ang Alas Pilipinas tandem sa second set, 24-22, bago isinuko ang third frame, 12-15, kina Niederhauser at Bentele.
“Ginawa namin ang best namin para tapusin ang laban, pero hindi ito nangyari,” wika ni Rondina sa kabiguan nila sa torneong pinamamahalaan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa ilalim ni Ramon “Tats” Suzara.
Ito ay bahagi ng preparasyon nina Rondina at Pons para sa darating na 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.
Sina Rondina at Pons ang huling pares sa pitong Philippine teams—apat na women at tatlong men’s squads—na sumabak sa event na magtatapos bukas.
Ang makapasok sa Round of 24 ay isa nang ‘breakthrough’ para sa Philippine beach volleyball matapos ang 21-19, 21-9 paggupo nina Rondina at Pons kina Slovenian tandem Ziva Javornik at Tajda Lovsin.
Ito ang unang panalo ng anumang national team, lalaki man o babae, sa isang Challenge tournament ng Beach Volleyball Tour.
Samantala, talo sina Kly Orillaneda at Gen Eslapor kina American Teegan Van Gunst at Piper Ferch, 19-21, 11-21, habang bigo sina Sonny Villapando at Dij Rodriguez kina Japanese Sakura Ito at Mayu Sawame, 18-21, 25-27.
