November 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ang ikatlong sunod na ratsada ang hangad ng nagdedepensang Mapua University sa pagharap sa San Sebastian College-Recoletos sa second round ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament.
Sasagupain ng Cardinals ang Stags ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang bakbakan ng Season 100 runner-up St. Benilde Blazers at Jose Rizal Heavy Bombers sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Nangunguna ang Perpetual Altas sa Group A hawak ang 8-4 kartada kasunod ang Cardinals (6-5), Arellano Chiefs (5-6), Lyceum Pirates (3-8) at Stags (3-9).
Solo ng San Beda Red Lions ang liderato sa Group B bitbit ang 8-3 baraha sa itaas ng Blazers (7-4), Letran Knights (7-5), Heavy Bombers (6-6) at Emilio Aguinaldo College Generals (4-7).
Magkasunod na tinalo ng Mapua ang Lyceum, 78-73, at Perpetual, 77-61, para kapitan ang second place sa Group A.
Laglag naman ang San Sebastian sa dalawang dikit na kamalasan matapos yumukod sa Arellano, 71-78, at sa Lyceum, 74-88.