September 25, 2025 | 12:00am
Pinaigting ni Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. ang kampanya laban sa loose firearms habang papalapit ang BARMM elections. Sa unang salvo, 10 dating miyembro ng teroristang Abu Sayyaf ang sumuko sa Sulu bunga ng kampanya ng mga tauhan ni PRO9 director Brig. Gen. Eleazar Matta.
Ang maganda rito mga kosa, may bitbit na 32 malakas na kalibreng armas ang mga ex-Abu Sayyaf kasama ang samu’t saring mga bala. “Isang mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao ang kanilang pagsuko,” ani Nartatez.
“Patunay ito na ang whole-of-nation approach na isinusulong ng Pangulo ay nagbubunga ng tunay na pagbabago. Unti-unti nating winawasak ang natitirang takot at karahasan sa rehiyon, isang mapayapang pagsuko sa bawat pagkakataon,” dagdag pa ni Nartatez.
Ang election sa BARMM ay itinakda sa Oktubre 13, ayon sa batas, subalit nag-isyu ng temporary restraining order ang Sumpere Court kaya wala pang kasiguraduhang matutuloy ito.
Ngunit patuloy lang ang kampanya ng PNP laban sa loose firearms at kriminalidad para masigurong mapayapa ang elections kapag may go signal na ang Hukuman dito. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ayon kay Matta, halos isang buwan din na tinatrabaho ni Lt. Col. Parson Asadil, OIC ng RMFB 9 ang pagsuko ng mga ex-Abu Sayyaf members na sangkot sa kasong kidnapping, murder, robbery at iba pa.
“Naka-timing lang si Col. Asadil dahil naghahanap ng mapagkatiwalaang pulis at sundalo ang mga ito, na mga miyembro ng tribung Tausog,” ani Matta.
Kinilala ni Matta ang mga sumuko na sina Abbil Hali Amdi, 69; Umael Joe Sayadi, 30; Isnirul Pandi Hadjiri, 39; Al Hajiri, 39; Alni Haji Amdi, 28; Amindada Ladja Isnari, 48; Muhil Sali Maddas, 44; Ismael Jala Sala, 30; Abdurashid Sariol Samat, 43, at Nelson Francisco Ismael, 47.
Ang mga dala nilang armas pandigma ay Garand rifles, Uzi sub-machinegun, Carbine, Thompson, M16 Armalite rifles, shotguns, sniper rifle, grenade launchers, TEC KG9, caliber .45 pistol, AK 762, at FAL G1.
Kumpleto rekado ‘no mga kosa? Puwedeng magsimula ng giyera! Ano pa nga ba? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Sa kanyang coordination sa Army 41st Infantry Batallion, sinabi ni Matta na sina Abbil Hali Amdi, Isnirul Pandi Hadjiri, Al M Hajiri, at Alni Haji AMdi, na lahat ay tubong Maimbung, Jolo, Sulu ay dating nang sumuko sa pamahalaan.
Ayon pa kay Matta, ang lahat nang sumuko ay tumanggap ng P10,000 ayuda mula sa lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD) maliban pa sa pitsa na galing sa contingency fund ng PRO9.
Naka-enrol din umano sila sa programa ng gobyerno na E-Clip at maging sa ELCAC. Hindi lang ‘yan, magkakaroon din ng livelihood program para sa kanila. Wow na wow! Dipugaaa! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Sinabi naman ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuano na ang pagsuko ng ex-Abu Sayyaf terrorists ay nagpapakita ng propesyonalismo ng mga pulis at ang kahalagahan ng pakikiisa ng lokal na komunidad.
“Ipinakikita ng mga pagsukong ito na kahit ang mga dating sangkot sa karahasan at terorismo ay puwede pang makabalik sa lipunan. Patunay ito ng dedikasyon ng PNP na protektahan ang bawat pamilya at tulungan silang makapagsimulang muli,” ani Tuaño. Abangan!