Hindi ipinapakita ng isang showbiz mom ang mabigat na pinagdaraanan niya sa kanyang anak.
Pahapyaw lang na ikinuwento ng ilang taong malapit kay showbiz mom na matindi ang pagsubok nito ngayon sa kanyang anak.
Hindi lang ikinuwento kung ano talaga ang tunay na dahilan, pero parang halos isumpa na raw si showbiz mom ng kanyang anak.
Naging open daw itong si anak sa ibang tao, sa ‘di pa ganun kalinaw kung bakit.
Mabigat ito kay showbiz mom dahil para sa kanya, at kahit sa ibang taong malapit sa kanila ay hindi naman siya nagkulang.
Pero kung ano talaga ang dahilan, aalamin pa natin at ewan ko kung magiging open silang mag-ina na pag-usapan ito.
Dulce, marami ring pinagdaanan sa mga anak
Ang relasyon ng mga anak sa kanilang ina ang pinag-usapan namin ni Dulce nang mag-guest ito sa radio program namin sa DZRH noong nakaraang Biyernes.
Pino-promote ni Dulce ang nalalapit niyang concert na Wagi na gaganapin sa BGC Arts Center sa July 11 at 12.
Nagsimula kasi ito sa balitang pagpanaw ni Mommy Caring, ang ina ni Ice Seguerra.
Ibinahagi ni Dulce ang closeness nila ni Mommy Caring, at ni Ice. “Mahaba ang pinagsamahan namin ni Mommy Caring. Kasi maliit pa si Aiza, ‘yung aming yearly na gawain namin sa Quezon, magkasama kami niyan.”
Kahit hindi man nasunod ang gusto nilang mangyari, iginagalang ng mga ina sa showbiz ang piniling buhay ng kanilang mga anak.
At ‘yun naman ang nakikita natin kay Mommy Caring. “Totoo ‘yung sinabi ni Aiza, na kahit ano pa ang ginagawa niya sa buhay, nandun si Mommy Caring. And I just want to honor Mommy Caring. I love her, marami kaming experience, marami kaming napagkuwentuhan. Alam kong nagkulang na ang mga panahon nitong mga huling araw, ngunit hindi siya nawala sa puso ko, at ganun din ang pagmamahal ko kay Aiza,” dagdag pa ni Dulce.
Kaya sa mga inang may mga pinagdaanan sa kanilang mga anak, para kay Dulce ay iisa lang ang ipinapayo niya. “Kahit sino ang mga magulang na dumaranas sa ano mang pagsubok sa mga anak, huwag tayong tumigil manalangin.
“Marami rin akong pinagdaraanan sa mga anak. Pero huwag mong tigilan ang pagtaas sa kanila sa trono ng biyaya at kahabagan sa ating Panginoong Diyos, and to bless them.
“Never speak ill. Never speak anything bad, o mga sumpa-sumpa na ‘yan, kasi pinanggalingan ko ‘yun. Mabigat ‘yun e kapag nagbitaw tayo ng sumpa sa mga anak, sila rin ang magsa-suffer. Ikaw na nakikita mo, masasaktan ka rin.
“If you remember anything na nagbigay sa ‘yo ng sakit, just say forgive. Lord, I forgive. And then bless… forgive them ang bless. Kasi kapag bine-bless mo sila, binibigay mo rin ang puso ng Panginoon, dahil lahat tayo krineate ng Diyos. Connected tayo sa Diyos,” madamdaming pahayag ni Dulce.
Samantala, tuwang-tuwa si Dulce kay Noel Ferrer na siyang nag-push na mag-concert ito.
Kaya nagpapasalamat siya sa buong team ng Wagi concert niya na nabuo nila ito at ikinatuwa pa niya na si Rowell Santiago ang magdidirek, na crush pala ni Dulce.
Azver, naipanalo ng dasal
Nakaka-inspire ang episode ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab noong Biyernes na kung saan dumaan sa pangalawang Big Jump Challenge ang tatlong duo na AzVer (AZ at River), BreKa (Brent at Mika), at DustBi (Dustin at Bianca) para makapasok sa Big Four.
Ipinakita ng duo na AzVer kung gaano kabisa ang panalangin para makuha mo ang gusto mong maabot.
Bago sila isinalang sa challenge, nagdasal sila sa altar na gabayan sila. Nagpasalamat si AZ sa ibinigay sa kanilang lakas para ipagpatuloy nila ang kanilang laban sa Bahay Ni Kuya.
Anim na oras silang nakatayo hawak ang blocks na binubuo ang katagang Big Four.
Nang pinanghinaan na sila at gusto nang bumigay ang kanilang katawan sa sobrang pagod at gutom, patuloy pa rin sa pagdarasal ang AzVer.
Dasal ni AZ, “Help us, oh Lord. Let this be for us. Let this be for us, Lord God. Please guide us with your presence.”
Kaya natuwa ang netizens sa ipinakitang katatagan at pananalig ng AzVer sa Panginoon.
Naniwala pa silang ginabayan sila ng namayapa nilang ama, para umabot sila sa Big Four.
Ang ganda ng komento ng ilang netizens na bumalik daw ang faith nila sa Diyos dahil sa ipinakita ng naturang duo kung gaano katatag ang pananalig nila sa Panginoon.
Pinuri rin si Dustin sa suportang ibinigay kay Bianca nang bumagsak ang blocks ang hawak nila.
Nakita niyang sobrang dismayado si Bianca, pero pinalakas ito ni Dustin sa kanyang mahigpit na yakap.
Kagabi ay nagpaalam na ang isang duo at nabuo na ang Big Four, at ito ang susubaybayan natin hanggang sa Finals night sa July 5.