Sa kauna-unahang pagkakataon ay makagagawa ng pelikula sina Allen Ansay at Sofia Pablo. Huling nagkatrabaho ang tambalang Al-Fia sa Prinsesa ng City Jail ng GMA na nagwakas noong isang buwan lamang. “Meron kaming upcoming movies na gagawin. Yes, movies, with an ‘s’, hindi lang isa. So exciting siya, excited din kami sa mga makakasama namin,” nakangiting pahayag ni Sofia sa 24 Oras.
Para sa aktres ay kailangang pakaabangan ng kanilang mga tagahanga ang bagong proyekto nila ni Allen. Malayung-malayo umano ang tema nito sa mga nakasanayan nang gawin nina Allen at Sofia. “It’s horror, so abangan,” pagbabahagi ng Kapuso actress.
Ayon naman ay Allen ay talagang puspusan na ang kanilang paghahanda ngayon ni Sofia para sa gagawing proyekto. “Ngayon talaga, mapapansin n’yo sa amin ni Sophie, medyo sasabay na talaga si Sophie mag-gym. Pinapag-prep siya for our next show na di pa pwedeng sabihin,” paglalahad ni Allen.
Jon, lolo na ang pakiramdam
Magbibida si Jon Santos sa musical na Side Show. Mapapanood ito simula July 26 hanggang August 17 sa Power Mac Center Spotlight Blackbox Theater, Circuit, Makati. Makakatrabaho ng beteranong stage actor ang ilan sa mga kabataang aktibo na rin sa entabalado tulad nina CJ Navato, Rib Atadero, Tim Pavino, Tanya Manalang, Marynor Madamesila, Krystal Kane, Molly Langley, Joshua Cabidalas, Marvin Ong at marami pang iba.
Wala umanong problema kay Jon kung mga baguhan man sa teatro ang kanyang makakatrabaho ngayon. “They are the most generous, supportive, giving children. Mga apo ko ‘yan. ‘Yan ang lagi kong pinagmamalaki. I was blessed with a fabulous set of actors. That’s the only explanation, aside from higher power. Because you lead by their example. Sabi nila tatagal ka if you work with young people,” makahulugang paliwanag ni Jon.
Mahigit apat na dakada nang aktibo ang isa sa mga itinuturing na stage icon sa Pilipinas. Nakilala rin si Jon bilang isang magaling na impersonator ng mga sikat na personalidad. Para sa aktor ay magandang karanasan na makatrabaho ang mga nakababatang henerasyon na aktibo ngayon sa industriya. “They are directing earlier. You are with young cast members who are in their other project directors, producers, writers, choreographers, and most importantly, teachers,” giit niya.
Mayroong mga bagong natututunan at natutuklasan si Jon dahil sa mga mas batang nakakatrabaho ngayon sa teatro. “Ngayon lang sa batch na ito. I have not done that many musicals but in this particular one, this basket of brilliant co-actors who are also wearing many, many hats. Mga batang director, bago pa i-blocking ‘yung eksena lahat may kanya-kanya nang idea of possibilities,” paglalahad ng beteranong aktor. — Reports from JCC
