Star-studded na infomercial ng MTRCB, inilunsad!


SHOW-MY — Salve V. Asis — Pilipino Star Ngayon

September 12, 2025 | 12:00am

Pormal na inilunsad ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang infomercial na Bagong Pilipino, Tara, Nood Tayo! isang pambansang kampanya ng pamahalaan para hikayatin ang mga Pilipino na suportahan ang mga lokal na pelikula at programang pang-telebisyon.

Pinangunahan ito mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama ang Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at ang buong Unang Pamilya.

Tiniyak ng Pangulo ang suporta ng administrasyon sa industriya ng pelikula at telebisyon.

“Kasama ang pribadong sektor, kaisa ninyo ako, ang aking pamilya at ang ating pamahalaan sa pagtangkilik sa pelikulang Pilipino at mga programang pang-telebisyon, dahil ang bagong Pilipino ay ipinagmamalaki ang kwentong Pilipino,” sabi ng Pangulo.

Nagpasalamat naman si MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto sa Pangulo, unang pamilya at ang industriya ng pelikula at telebisyon sa matibay na pagsuporta sa kampanya.

“Ang kampanyang ito ay sumasalamin sa ating sama-samang hangarin na itaguyod ang industriya ng pelikula at telebisyon habang isinusulong ang responsableng panonood sa pamilyang Pilipino,” sabi ni Chair Lala.

Ibinahagi rin ng mga pangunahing network executives mula sa GMA, ABS-CBN, TV5 at ALLTV kung paano naging bahagi na ng bawat pamilyang Pilipino ang mga palabas at pelikulang Pilipino.

“Ang telebisyon at ang mga sinehan ay nagsisilbi ring pangalawa nating tahanan,” sabi ni AMBS-ALLTV President Maribeth Tolentino.

“Nanonood tayo ng mga programa dahil ayaw nating nagpapahuli sa balita at kwentuhan,” sabi ni TV5 President and CEO Guido Zaballero.

“Invested tayo sa mga karakter na pinapanood natin na parang mga tunay na tao sa totoong buhay,” dagdag ni GMA Network Inc. Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes.

“More than just a memory of a happy story, we have inves­ted ourselves in the characters of our TV shows and movies, at sa bawat karakter na kinakapitan natin, sila ay nagiging bahagi ng ating pamilya,” sabi ni ABS-CBN Corporation President and CEO Carlo Katigbak.

Ipinaalala ng multi-awarded director na si Cathy Garcia-Sampana na ang mga pelikula at teleserye ay “repleksyon ng ating pagka-Pilipino,” habang binigyang-diin nina box-office stars Kathryn Bernardo at Alden Richards ang pagiging totoo at pagiging inklusibo ng ating industriya.

“Ito ang industriyang maituturing nating totoo at sariling atin,” sabi ni Kathryn.

“Ang tunay na bida ng ating mga pelikula at telebisyon ay ikaw at ako, tayong mga Pilipino,” dagdag ni Alden.

Ibinahagi rin ng mag-asawang Judy Ann Santos-Agoncillo at Ryan Agoncillo na ang telebisyon at pelikula ay nagsisilbing “ikalawang tahanan ng pamilyang Pilipino.”

Samantala, sina Piolo Pascual, Coco Martin at Vic Sotto, bilang mga aktor at producer, ay umaasa sa mas masiglang industriya para sa susunod na henerasyon.

Nagpahayag naman ng katiyakan ang mga opisyal ng SM Supermalls, Ayala Mall at Robinsons na mananatiling buhay at maganda ang karanasan ng mga manonood sa sinehan.

“We are guided by the fact na ang pagpunta sa sinehan ay isang nominal experience,” sabi ni SM Supermalls President Steven Tan.

“We will make sure watching movies at cinemas is always a fantastic experience para sa lahat at palaging parte ng masasaya nating alaala,” saad ni Robinson Land Corporation Executive Vice President Faraday Go.

“And we honor the movie viewers by ensuring na ang mga sinehan will always represent a happy experience sa bawat manonood,” dagdag ni Ayala Mall Asset Management Head Jose Ramon Katipunan.

Binigyang-diin din nina Regal Entertainment President and CEO Roselle Monteverde at Viva Communications Inc. President Vincent del Rosario na ang panonood ng pelikula kasama ang pamilya ay nananatiling isang masayang karanasan ng mga Pilipino.

Naipalabas ang Bagong Pilipino, Tara, Nood Tayo! infomercial sa buong bansa sa pamamagitan ng tradisyunal at digital na plataporma kabilang ang mga sinehan, at naabot ang milyun-milyong manonood.