Sue, nagsalita sa naging hiwalayan nila ni Javi Benitez!


SHOWBIZ NEWS NOW NA! — Boy Abunda — Pilipino Star Ngayon

August 29, 2025 | 12:00am

Masayang-masaya si Sue Ramirez sa kanilang relasyon ni Dominic Roque sa kasalukuyan. Madalas na nakikitang magkasama ang dalawa sa mga pampublikong lugar. “I think ito ang tinatawag nilang honeymoon stage. Kaya parang napakasaya pa at gusto naming kumain nang magkasama palagi. Nag-i-enjoy lang talaga kami ngayon. ‘Yon ang priority namin. Not to put pressure on each other but to enjoy each other’s company and cherish the moments that we have together,” pagtatapat ni Sue sa Kuan on One program ni Melai Cantiveros.

Para sa aktres ay talagang magkakaiba ang bawat relasyon ng magkasintahan. Matatandaang si Javi Benitez ang huling naging kasintahan ni Sue. Kontrobersyal naman ang naging hiwalayan nina Dominic at Bea Alonzo magdadalawang taon na ang nakalilipas. “Magkakaiba naman ang mga tao. It can be na parang may natutunan ako sa past relationships ko na hindi ko na magagamit ngayon dahil sa ibang tao na ito. Of course, we learn something from your past, but you cannot really apply everything sa lahat ng relationship mo. I think every relationship is really a different experience. And I’m the type of person na I live in the moment talaga. Ang past ko, I’ve accepted it totally, na hindi ko na kailangang balikan o kuhanan pa ng aral. Ngayon parang alam ko naman na ang gagawin. Parang masaya ako, parang alam ko na ang gagawin. Kung balik ka rin nang balik sa nakaraan, hindi ka rin makakausad,” makahulugang paliwanag ng dalaga.

Ayon kay Sue ay maayos naman ang naging hiwalayan nila ni Javi pagkatapos limang taong relasyon. Lubos ang pasasalamat ng aktres dahil sa pagmamahal na ipinararamdam sa kanya ni Dominic ngayon. “Nagpapasalamat ako kay Lord not naman dumating si Papa Doms but because I had the courage to turn my back on something that didn’t serve me anymore or something that I didn’t deserve. I am not trying to imply anything na may masamang nangyari because honestly, we had a good break up, me and Javi. May mga bagay na kailangan tayo na hindi nabibigay ng partner natin na hindi ‘yon ang love language nila. Baka hindi lang talaga swak and we cannot take that against the person. We cannot take that against our partner. Kung hindi niya maibigay sa atin ang pangangailangan natin, maybe because you’re not really for each other,” giit ng aktres.

Jillian palaban kay David!

Isang bagong karanasan para kay David Licauco na makatrabaho si Jillian Ward.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay magkakatambal ang dalawa sa seryeng Never Say Die ng GMA Network. “It’s always nice to work with a new actress na makakasama mo sa eksena. Kasi para ma-test mo rin’yung pagiging actor mo. I see that Jillian is also passionate in acting,” nakangiting pahayag ni David sa 24 Oras.

Magkahalong emosyon naman ang naramdaman ni Jillian dahil sa bago nilang proyekto ng aktor. Excited umano ang dalaga na matuto lalo na pagdating sa paggawa ng maaaksyong eksena nila ni David. “Excited ako na matuto from them. Parang bagong experience talaga po itong show na ito for me,” paglalahad ni Jillian.

Bilang paghahanda sa bagong serye ay kinailangan pa raw na mag-workout ng aktres upang magawa nang maayos ang action scenes. “Palaban ako, palaban ako for the show. Alam ko na athletes po sila, action stars po sila, lahat po sila nag-a-action, ako first time ko. Ibibigay ko po ‘yung best ko. I will do everything,” pagtatapos ng Kapuso actress. (Reports from JCC)