MANILA, Philippines — Mabilis na tinalupan ng University of Sto. Tomas ang University of the East, 25-19, 25-16, 25-15 sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum, kahapon.
Kinapitan ng Golden Tigresses sina Angeline Poyos at Regina Grace Jurado sa opensa upang mabilisan nilang itumba ang naghihingalong Lady Warriors.
Kumana si Poyos ng 12 points lahat galing sa kills habang 10 ang tinikada ni Jurado mula sa siyam na attacks at isang service ace upang tulungan ang UST na ilista ang 8-4 karta at tumibay ang kapit sa magic four.
May kartang 4-7 ang Lady Falcons at kahit maipanalo ang tatlong natitirang laro ay hindi na nila maabutan ang UST sa No. 4 spot ng team standings.
Samantala, muling bumasag ng bagong UAAP record si super rookie Shaina Marie Nitura matapos umiskor ng 37 points nang silatin nila ang Far Eastern University, 14-25, 29-27, 25-22, 25-22 sa unang laro.
Hindi lang single-season scoring record ang inukit ni Nitura, inungusan din nito ang 312 points na naitala ni volleyball superstar Alyssa Valdez sa Season 77 noong 2015, may kabuuang 314 puntos na ito at may dalawang laro pa siyang nalalabi.
May kartang 5-7 ang Lady Falcons at kahit maipanalo ang dalawang natitirang laro ay hindi na rin sila makakausad sa susunod na phase dahil sa panalo ng UST sa UE.
Magkakaroon ng eight-day Holy Week break ang liga at magbabalik sa Abril 23.