Masayang binalikan ni TJ Monterde ang kwento noong nagsisimula pa lamang siya sa industriya. Taong 2011 umano nagtungo sa Maynila ang singer-songwriter upang abutin ang kanyang mga pangarap. Hindi naging madali para kay TJ ang kanyang mga naranasan noon. “Sa Mandaluyong nag-rent ako ng very small space. Eventually, humabol ‘yung gitarista ko, si Makoy. May roll up bed, TV na pinahiram sa akin, monoblock na patungan ng TV, foldable na chair, kettle na initan ng tubig. Kasi do’n ko niluluto ang noodles na kakainin ko, rice cooker, pina-fry namin ‘yung ulam namin do’n,” nakangiting kwento sa amin ni TJ sa Fast Talk with Boy Abunda.
Mayroong mga pagkakataong kinapos talaga sa pera ang binata pa lamang noon upang makakain. “There was this time na wala na talaga kaming pera, as in wala na. Habang naglalakad kami papunta do’n sa circle, nakatingin ako sa daan hoping that I’d find like P10 or P20 na, ‘Lord, sana may P10 ditong makita ako para man lang may pang-sofdrinks kami,’” pagbabalik-tanaw ng singer-songwriter.
Kapag walang audition o tugtog ang banda ni TJ ay mayroon siyang ibang ginagawa upang kumita ng salapi. May pagkakataong pinayuhan na raw ang singer-songwriter ng sariling ama upang bumalik na lamang sa Cagayan de Oro noon. “As much as I can, nagvo-voice-over ako sa commercial. I do voice-overs for radio and TV commercials. Nagho-host ako ng events kung kaya ko. ‘Yung daddy ko, every now and then nagche-check sa amin kung, ‘Okay ka lang ba diyan? Kamusta ka?’ Unti-unti kinaya naman, mahirap lang talaga,” pagbabahagi pa niya.
Taong 2012 nang pasikatin ng singer-songwriter ang kantang Ikaw at Ako. Mula noon ay unti-unti na siyang nakilala at ang mga naisulat na kanta. Noong isang taon ay labis na siyang sumikat dahil sa kantang Palagi. Nagkaroon pa ng duet version si TJ at misis na si KZ Tandingan para sa naturang kanta.
“When I was writing that, sobrang down ako. And sabi ko lang talaga surrender na ako kay Lord. Ayaw ko nang mag-isip ng hits, ayaw ko nang mag-isip ng number ng views. I’m just gonna write. It’s not gonna be about my songwriting anymore but it’s about Your blessing. ’Yan ang sinasabi ko sa mga songwriters, just write what your heart wants you to write. You’ll never know, the next song might be your million-dollar song,” makahulugang pahayag ng mister ni KZ.
Mayroong mensahe si TJ para sa lahat ng mga tagahangang patuloy na sumusuporta sa kanyang mga kanta mula noon pa man. Matatandaang napuno ng singer-songwriter ang Araneta Coliseum ng tatlong gabi noong Pebrero lamang.
“Maraming salamat sa old and new listeners, again, kahit isa lang ako sa nasa playlist n’yo, okay na sa akin ‘yon. Maraming salamat for sticking through, I love you all,” pahayag ni TJ.
Aminado si TJ na maganda na ang kanyang buhay ngayon. Mayroon na umanong dalawang mamahaling relong Rolex ang singer-songwriter. “Nagsisimula pa lang, nagpupundar pa lang. ‘Yung isa regalo ni KZ sa akin. ‘Yung isa binili ko lang, dalawa na, February lang ‘yon eh,” natatawang pagtatapat niya.
(Reports from JCC)
