MANILA, Philippines — Isang panalo na lang ang kailangan ng TNT Tropang 5G para makuha ang finals berth at ang tsansa sa pinapangarap na PBA Grand Slam.
Hawak ang 3-1 lead, lalabanan ng Tropang 5G ang Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-5 ng hapon sa krusyal na Game Five ng kanilang Season 49 Philippine Cup semifinals series sa Smart Araneta Coliseum.
Kumonekta ang TNT ng 108-92 panalo sa Rain or Shine sa Game Four noong Miyerkules para makalapit sa kanilang ika-25th finals appearance at target ang ika-12 korona tampok ang Grand Slam.
“I’m only concerned if we have enough men because we’re just falling like flies,” ani coach Chot Reyes sa Tropang 5G na naglalaro na wala sina injured starters Jayson Castro, Rey Nambatac at Roger Pogoy.
“But just as it’s been since Day One, not only this conference but the entire season, it’s just whoever we have, next man up,” dagdag ng nine-time PBA champion mentor.
Sa kanilang panalo sa Game Four ay nagkaroon sina one-time PBA MVP Kelly Williams at Calvin Oftana ng sprained right at left ankle, ayon sa pagkakasunod.
“Dikdikan na ito. Wala nang kailangan na i-rason na masakit ito,” sabi ni Oftana. “Kapag kaya pa, igapang mo na.”
Hangad naman ng Elasto Painters na makapuwersa ng Game Six sa kanilang best-of-seven series.
“They’re going to come out with their hardest effort yet in this series, in Game 5. So we have to be ready. We have no other choice. We just have to be ready,” wika ni Reyes sa Rain or Shine.
Sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi ay mag-aagawan ang mag-utol na San Miguel at Barangay Ginebra sa 3-2 lead sa kanilang serye.
Itinabla ng Beermen sa 2-2 ang kanilang duwelo ng Gin Kings sa itinagay na 107-82 panalo sa Game Four.
